NBI nagsampa ng patung-patong na kaso laban sa 9 na PhilHealth officials
Patung-patong na kasong kriminal ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa siyam na dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa maanomalyang interim reimbursement mechanism (IRM).
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na inendorso ng Department of Justice ang reklamong inihain ng NBI sa Office of the Ombudsman nitong Biyernes.
Ang siyam na kinasuhan ay sina dating PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales, kasalukuyang Executive Vice President at Chief Operating Officer Arnel de Jesus, Senior Vice Presidents Renato Limsiaco Jr. at Israel Francis Pargas, Vice President for PhilHealth Regional Office National Capital Region (NCR) Gregorio Rulloda, PhilHealth Regional Office NCR Central Branch Manager Lolita Tuliao, at iba pang mga opisyal na kinilalang sina Imelda Trinidad de Vera-Pe, Gemma Sibucao at Lailani Padua.
Ipinag-utos ng kapalit ni Morales na si Dante Gierran ang maramihang pagbibitiw ng mga senior officials ng PhilHealth, alinsunod na rin sa resolusyon ng board noong nakaraang taon at sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na “linisin” ang state insurer.
Sinabi ni Guevarra na ang mga reklamong isinampa ay kaugnay sa paglabag sa Sections 3 (e) at 3 (i) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, pagwaldas ng pampublikong pondo o ari-arian, at paglabag sa Sections 251, 255 at 272 ng New Internal Revenue Code at Section 4 ng Republic Act No. 1051 kaugnay sa kwestyunableng pagbibigay ng cash advances sa ilang health-care institutions sa Metro Manila sa ilalim ng programang IRM.
Ayon sa imbistigasyon, umaabot sa 30-bilyong IRM na pondo ang umano’y ibinigay sa mga ospital na hindi naman nanggagamot ng mga pasyenteng may COVID-19. Ang IRM ay isang mekanismo na nagpapahintulot sa PhilHealth na maglabas ng pondo para sa mga health care facilities sa panahon ng emerhensiya gaya ng dinadanas na pandemiya ng bansa.
“More complaints will be filed in the next few days/weeks against erring PhilHealth personnel and their cohorts,” wika ni Guevarra na siyang namuno sa interagency Task Force PhilHealth.
Ayon kay Cesar Bacani, NBI NCR director, may ebidensyang natagpuan ang mga imbistigador para kasuhan si Morales at iba pang opisyal na umano’y nagpalabas ng pondo bago pa man sinimulang ipatupad ang IRM circular.
“What we filed was endorsed by the DOJ,” ani Bacani, na siyang naghapag ng reklamo sa Office of the Ombudsman noong Biyernes ng hapon.
Bumaba sa pwesto bilang presidente ng PhilHealth si Morales noong Agosto 26. Dalawa pang mataas na opisyal ng state insurer ang nagbitiw din noong nasabing buwan—sina Senior Vice President for Legal Sector Rodolfo del Rosario Jr. at Vice President for Operations Augustus de Villa.
Mula sa ulat ng Philippine Daily Inquirer
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.