HANGGA’T maaari ay ayaw na sana ni Gerald Anderson na pag-usapan sa publiko ang mga ginagawa niyang pagtulong sa ating mga kababayan sa oras ng pangangailangan.
Partikular na nga ang ipinakita niyang kabayanihan noong kasagsagan ng bagyong Carina kung saan talagang lumangoy siya sa malalim na baha upang masaklolohan ang mga residenteng na-trap sa kanilang mga bahay.
Sabi ni Gerald, hindi na naman daw niya kailangang ipaalam ang kanyang mga charity works sa publiko dahil kusa niyang ginagawa ang mg ito at walang hinihinging kapalit.
“Ang daming mas deserving. I think they are a lot of rescuers and volunteers na nandu’n din,” ang pahayag ng Kapamilya star sa interview ni Bernadette Sembrano n napapanood sa YouTube channel nito.
Baka Bet Mo: Allan K: Pag tumulong ka, ibigay mo nang buong-puso, huwag kang mag-expect ng kung anek-anek
Aniya pa, “Siyempre ako nagkataon celebrity ako, so napiktyuran, na-post. But it took me time to realize na bakit hindi ko na lang ito gamitin to highlight ‘yung ibang rescuers or volunteers, even ‘yung mga nagdo-donate, to say also thank you to them.”
“I just want to use this as an inspiration, set an example para sa mga kapwang artista, even with normal people,” sey pa ni Gerald na na-promote kamakailan bilang auxiliary captain ng Philippine Coast Guard (PCG).
Kuwento ng boyfriend ni Julia Barretto, ang kanyang parents ang naging inspirasyon niya para pumasok sa PCG. Ang tatay ng aktor na si Gerald Anderson, Sr. ay miyembro noon ng US Navy.
“He was 30 years sa US Navy, retired navy siya. Pinanganak ako sa Subic Bay. Du’n siya nakadestino, du’n niya nakilala nanay ko.
“I think nasa dugo namin din ‘yung duty and service, call of duty, so I think ‘yun naturally nakuha ko,” lahad pa ng binata.
Chika pa ni Ge, isa pa sa nag-inspire sa kanya na pasukin ang PCG ay ang pagiging selfless ng nanay niyang si Evangeline Opsima.
“Sa mom ko, may mga moments, days na gipit kami, pero ‘pag may nanghihingi sa kanya, binibigay niya. ‘Yung parang she will go above and beyond para makatulong sa iba.
“Siguro naturally, nakuha ko lang ‘yun sa kanila. That’s why I cannot take credit for everything, or ‘yung mga acts, because it’s things I learned, it’s things na nakuha ko sa mga magulang ko,” dagdag pa ni Gerald.
Nito lamang nagdaang August, binigyan si Gerald ng “Search and Rescue Medal” ng PCG dahil sa ginawa niyang pagtulong sa kasagsagan ng typhoon Carina.
Sabi ni PCG Spokesperson CG Rear Admiral Armando Balilo, “Gerald Anderson has been an active partner of the Command, especially during humanitarian and disaster response operations.
“He is always present during the Coast Guard’s relief operations and disaster rehabilitation. He continues to help Aetas in Zambales, recovering families in Marawi, and even donated medical supplies and tents during the height of the COVID-19 pandemic,” sabi ng opisyal.