NAGSALITA na ang rapper-comedian na si Andrew E. patungkol sa girian kung sino ba talaga ang dapat na bansagang “King of Rap” ng Pilipinas.
Sa kanyang naging guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, November 18, sinagot ng rapper kung sino ba talaga ang dapat makasungkit ng title.
Ang tatlong pinagpipilian kasi para sa “King of Rap” ay sina Andrew E., Francis Magalona,at Gloc-9.
“Ang sabi ni Francis M. kaming dalawa raw, e. So, let it be,” sagot ng rapper-comedian.
Baka Bet Mo: Andrew E naloka sa presyo ng pagkain sa South Korea: Egg lang at konting gulay!
Matatandaang nagsimula ang diskusyon at pagtatalo kung sino nga ba ang “King of Rap” sa bansa dahil may isang pahayagan ang nagbansag “King of Pinoy Rap” kay Gloc-9.
Naglabas pa nga noon ng artcard ang Dongalo Wreckords patungkol sa metrics o requirements para matawag na “King of Rap”.
Nag-react naman ang anak ni Master Rapper na si Arkin Magalona patungkol sa pagiging “King of Rap”.
“wala sa metrics ang pagiging ‘king’, kung buhay pa tatay ko siya pa mismo magsasabi niyan. kusa ka magiging ‘king’ pag tinuring ka na ng mga tao bilang hari,” saad ni Arkin.
Dagdag pa nito, “para sa fellow artists diyan, old heads and new wave, ilabas niyo lang ang mga gusto niyo ipakita sa mundo. maraming mga nag aabang at mag aabang pa sa mga bago niyong gawa, trust me.”