PINAIYAK nina Vice Ganda, Karylle at Ryan Bang ang madlang pipol sa tagos sa pusong “Magpasikat 2024” performance nila kahapon sa “It’s Showtime.”
Ang grupo ng tatlong host ang unang sumabak sa “Magpasikat” challenge this year bilang bahagi ng pagdiriwang ng 15th anniversary ng kanilang noontime show.
True to life ang peg ng production number nina Vice, Karylle at Ryan dahil ang kanilang mga nakakaiyak but inspiring stories ang kanilang inihandog sa mga manonood.
Nakasama rin nila on stage super P-pop na SB19 at ang gymnast champ at 2-time Olympic gold medalist si Carlos Yulo.
Sa naging performance ni Vice ay inalala niya ang eksenang umiyak siya sa isang episode ng “Mini Miss U” segment ng programa noong August, 2023 kung saan naapektuhan siya nang todo sa tula ng batang contestant na si Eury.
Dito bumigay si Vice at talagang napaiyak, “Sabay-sabay yung suntok, yung tadyak. Parang pinagtulungan ako. Parang pinatulung-tulungan talaga ako. Bugbog na bugbog ako nu’ng oras na iyan.”
Isa na nga riyan ay ang kinaharap niyang isyu noong August, 2023 nang patawan ng parusa ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) matapos ireklamo ng mga manonood sa pagkain nila ng cake ng asawa niyang si Ion Perez sa “It’s Showtime.”
“Kaya pagod na pagod ako kasi lumalaban ako para sa sarili ko, para kay Ion, para sa Showtime kasi may mga taong naghahangad ng masama sa programang ito e,” aniya na sumayaw gamit ang kantang “Rise” ni Katy Perry.
Napakalaking tulong daw ng ipinaramdam sa kanyang pagmamahal ng kanyang mga co-hosts at ng studio audience upang huwag magpatalo sa kanegahan.
“Naramdaman ko na may kasama ako. Yung hope, binubulungan ako na don’t panic, we will be okay,” sey pa ni Vice na nakasuot ng maikling red dress na may mga kalmot at sugat sa braso at hita.
Maging si Karylle ay naging emosyonal sa kanyang performance kung saan binigyang-pugay niya ang namayapang ama. Ito raw ang unang “Magpasikat” number niyang hindi na mapapanood ng kanyang tatay.
“Gusto ko malaman niya na sobra-sobra ko siyang mahal. Sana marinig pa rin niya yung kantang ginawa ko para sa kanya,” ani Karylle habang kumakanta ng original composition para sa ama.
“I can’t say that I loved you enough but I loved you so much,” ang bahagi ng lyrics ng kanyang song.
Samantala, ibinahagi naman ni Ryan Bang ang naging struggle niya noong grade school pa lamang siya matapos maghiwalay ang kanyang parents.
Naiyak din ang komedyante nang mabanggit ang divorce ng Korean parents na palagi raw nag-aaway noon, “Hindi sinagot yung prayer ko kay God. Nawala yung hope ko doon.”
Sa ngayon ay okay na raw ang mga magulang, at natutuwa siyang makita uling magkasama ang mga ito nang ipakilala niya ang kanyang fiancee na si Paola, “Sobrang saya ko, nakita ko si mommy tumatawa sa joke ng daddy ko.”
Wish din daw ni Ryan na mabuo ang pamilya kapag ikinasal na siya, “May nakikita ako na may posibilidad pala, may asa, yung hope ko.”
Sabi ni Anne pagkatapos ng performance nina Vice, nakakaiyak ang kanilang “Magpasikat” performance, “Everyone in this room can agree that we were all brought to tears, and it was such a beautiful reminder of hope.”
Inusisa ni Anne kung bakit ganu’n ang naisip na concept nina Vice, “Nananahimik lang ako sa dressing room, sabi ko, ano ba yung kailangan nating lahat ngayon? Kasi syempre yung entertainment, we get to give that every day to the audience. Yung patawa ang dali-dali lang nating ibigay.
“Something that has an internal value. Yung may mas kabuluhan na siya. Dahil sa gulo ng paligid, kailangan nating makakuha ng kabuluhan. So ano ba yung kailangan natin? Yung hope ang kailangan natin araw-araw,” saad ni Vice.
Ngayong araw, ang grupo nina Ogie Alcasid, Kim Chiu, Lassy Marquez at MC Muah Calaquian ang magpapasikat, na susundan nina Vhong Navarro, Ion Perez, Amy Perez at Darren Espanto bukas, at sa Huwebes naman hahataw ang grupo nina Anne Curtis, Jugs Jugueta at Teddy Corpuz at pagsapit ng Biyernes ay sina Jhong Hilario, Cianne Dominguez at Jackie Gonzaga ang magpapasikat.
Ang mga hurado this year sa “Magpasikat” ay sina Rory Quintos, Donny Pangilinan, Gabbi Garcia, Alice Dixson at Freddie Garcia.