Ken Chan sobrang payat na raw; may bago na namang warrant of arrest

Ken Chan sobrang payat na raw; may bago na namang warrant of arrest

Ken Chan

“PETITION for bail,” ang payo ni Nanay Cristy Fermin na gawin ni Ken Chan dahil may bagong warrant of arrest na namang lumabas laban sa aktor.

Ito’y mula pa rin sa dating grupong nagdemanda ng syndicated estafa kay Ken at sa pagkakataong ito ay “no bail” na ang nakalagay sa kaso.

Matatandaang sinulat na namin dito sa BANDERA ang warrant of arrest sa GMA artist noong September 12 base report ni Ogie Diaz sa “Showbiz Update” vlog at nakalagay sa dokumento na kasama sa idinemanda ang kapatid ni Ken na hindi pa pinangalanan that time.

Sa inilabas na dokumento ng “Showbiz Now Na” host ay ipinakita na ang pangalan ng kapatid ng actor na si Mark Clinton Angeles Chan. May nabanggit din si ‘Nay Cristy na kasama rin ang kasosyo ng karelasyon niya na hindi naman binanggit kung sino sa mga nakalistang pangalan sa papel.

Baka Bet Mo: NBI inilabas ang mugshots ni Vhong Navarro matapos ang boluntaryong pagsuko

“Kalat na kalat na ‘yung kanyang warrant of arrest sa lahat ng himpilan ng pulis at ang Immigration ay may kopya na rin at kung sakali na babalik dito (sa Pilipinas) si Ken Chan ay doon palang sa paliparan, o sa airport pa lang ay may huhuli na sa kanya, nakakalungkot,” paliwanag ni ‘Nay Cristy.

Sabi naman ni Romel Chika, “So, walang takas talaga?”


“Nu’ng unang ibinalita natin ayon sa kuwento ay nasa Amerika siya pero ngayon ay nasa isang bansa na lang siya ng South East Asia at ayon sa ating source ay pagkapayat-payat na raw ni Ken Chan,” saad pa.

“Siyempre naman ‘Nay, nakaka-stress talaga ‘yan! Itong pinagdaraanan niya (Ken) nakaka-stress talaga,” sabi ni Romel Chika.

“Oo, madalas nga nating sinasabi ang peace of mind ay hindi kadalasang ibinibigay ng ibang tao sa atin, tayo ang gagawa para makuha natin ang kapayapaan ng kalooban natin,” pahayag ni ‘Nay Cristy.

Nabanggit ni Romel Chika na ilang beses na rin silang nanawagan kay Ken Chan na harapin nito ang kaso para hindi lumala at kausapin ang mga pinagkakautangan.

“Overthinking kills your peace,” sambit ng beteranang manunulat.

Ginawang ehemplo ni ‘Nay Cristy ang kanyang sarili na kinasuhan nina dating Sen. Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta ng libelo at sumampa ito sa korte na ayon sa una ay dapat bantayan ang mga ganitong kaso dahil warrant of arrest na ang kasunod nito.

“Ako po talaga binabantayan ko po ito mula noon hanggang ngayon. Ako po ay hindi matapang, wala pong taong matapang pagdating sa ganitong problema, hindi rin po ako mapera o mayaman para mag-post agad ng piyansa.

“Ang totoo pong dahilan kung bakit ko binabantayan ang mga ganitong problema ay dahil marespeto ako sa batas. Kung ano po ang isinasaad ng batas iyon po ang dapat nating sundin,” kuwento ni ‘Nay Cristy.

At nabanggit nga na sa inilabas na warrant of arrest ay puwedeng hilingin ng binata sa korte ang petition for bail.

“Pero kailangang bumalik muna siya rito at magpakita muna siya sa branch na may hawak ng kaso para masabing may jurisdiction ang korte sa kanya. Tapos alam naman ng mga abogado niya ang gagawin, petition for bail kasi no bail ito, eh.

“Kapag pinagbigyan ng judge puwede niya itong ipiyansa at saka niya asikasuhin ang problema mula roon ay makakausap na niya ang mga investors, mga complainants, puwede na niyang, ‘mas maganda po na ako ay malaya para matugunan ko po ‘yung mga hinihingi n’yo,’” esplikang mabuti ni ‘nay Cristy.


“Pero sabi nga ‘Nay kapag pera ang usapin may katapat, di ba?” saad naman ni Romel Chika.

“Yun po ang pinakamadaling problema, sa totoo lang po ang pinakamahirap ay ang kalusugan, ‘yung health, ang pag-ibig ay pangalawa dahil ang pag-ibig kapag nawala ay hindi naman puwedeng halinhinan ng taong hindi mo naman mahal.

“Pero ‘yung pera po ay pinakamadaling problema po ‘yan kung tutuusin, mahirap lang pong isipin dahil napakahalaga ng pera. Kaya lang po kapag may binanggit tayong presyo may katapat na presyo rin po ‘yun, kaya ‘yung pera pinakamadaling problema!” pahayag ulit ni Nay Cristy.

“Kaya dapat makipag-coordinate siya. Di ba ‘Nay kahit gaano kalaki (utang) hahati-hatiin naman ‘yan hanggang makabayad ka?” opinyon ni Romel Chika.

“Oo, ang huwes naman ay makikinig naman kung ano lang ang kapasidad ng inirereklamo ng pagbabayad, halimbawa piso ang kinikita mo, hahati-hatiin mo ‘yun.

“Alam mo si Ken Chan wala siyang kapanatagan ng loob ngayon, nangangayayat siya dahil ‘yung ganitong problema ay hindi ka makakatulog, hindi ka makakakain, ang peace of mind talaga lumilipad ‘yan palayo.

“Kausapin niya ang kanyang mga abogado, harapin niya, no one is above the law,” saad ni ‘Nay Cristy.

Dagdag pa, “Siya lang naman talaga ang tinititigan kasi siya ang kilala!”

Bukas ang BANDERA sa panig ng kampo ni Ken Chan hinggil sa mga naging rebelasyon nina Nanay Cristy.

Read more...