Sam Verzosa sinisira ng bayarang trolls: Pero hindi ako natatakot

Sam Verzosa sinisira ng bayarang trolls: Ako binubugbog nila sa socmed?

Sam Verzosa

PALABAN na ngayon ang TV host at public servant na si Sam Verzosa sa pagsagot sa mga peke at malilisyosong balita na ibinabato sa kanya ng ilang kalabam sa politika.

Ayon kay Sam na tatakbong mayor ng Maynila sa darating na 2025 elections, hindi siya basta mananahimik na lang sa mga taong bumabatikos at gumagawa ng fake news laban sa kanya.

Nakausap ng BANDERA ang kongresista nitong nagdaang Sabado, October 19, nang mamahagi siya ng tulong sa mga taga-Barrio Obrero, sa Maypajo, Manila.

Halatang galit na si SV sa mga ipinakakalat na pekeng balita sa kanya lalo na sa social media kung saan kinukuwestiyon ang kanyang kakayahan bilang public servant at kung anu-ano pang akusasyon na wala namang bahid ng katotohanan.

Baka Bet Mo: Sylvia hindi pa rin makapaniwalang kongresista na si Arjo: ‘Di ko akalaing darating ang araw na ‘to sa buhay natin…

“Nandito lang ako para magbigay tulong. Pero hindi ko alam kung bakit ako ang binubugbog sa social media. Lagi nilang binabayaran trolls para siraan ako.

“Kaya ako nandito at nanggigigil kasi masakit. Below the belt minsan. Nasasaktan ako, eh. Ayoko na sanang sabayan pero tao lang ako. Pepersonalin mo ako!?

“lilihis mo sa akin, dapat ikaw ang nag-e-explain (kung ano ang totoo). Kahit aso sapakin mo, iiyak at kakagat, ako pa kaya na tao lamang,” mariing pahayag ng host ng public service program sa GMA 7 na “Dear SV.”


Ang tinutukoy ni Sam ay ang kautangan umano ng Maynila na umabot na raw ng biltong piso na umano’y ginamit sa pagbibigay ng ayuda noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Pero ayon sa mga residente mula sa iba’t ibang barangay sa Maynila, imposibleng umabot sa ganu’ng kalaking halaga ang ipinamudmod sa kanilang ayuda. Iyan ang gustong ipasagot ni SV sa mga dating nanunungkulan sa Maynila.

Sabi nga ng tatakbong alkalde, sana raw ay tigilan na ang paninira sa kanya at tularan na lamang ang ginagawa nilang pagtulong.

Tulad na lang ng patuloy na pag-iikot ng kanilang mobile clinics, mobile boutiques at pamimigay ng mga negosyo package.

“Na-bless na ako nang sobra-sobra. Galing lahat sa sarili nating bulsa, gusto ko ipakita sa lahat na kung kaya ko gawin, what more pa kung sa city hall. Kaya ang lagi kong sinasabi, sasamahan ko ang lahat ng Manilenyo hanggang dulo,” pahayag pa ni SV.


Ipinagdaanan pa ng TV host at public servant na hindi sila titigil sa paghahatid ng tulong, hindi lang sa Maynila kundi maging sa iba pang bahagi ng Pilipinas kahit na nakakatanggap siya ng mga pagbabanta.

“Hindi ako natatakot. Hindi tayo titigil dahil marami pa tayong darating na tulong para sa kanila. Ipapakita ko sa kanila na kung kaya kong magbigay ng kabuhayan o negosyo, allowance, medical services, lahat galing yan sa sarili kong bulsa, lahat yan ibinibigay ng sobra, sobra. Dapat may mga pagbabagong nangyayari.

“Ang nasa isip ko lang ay yung mga kababayan ko at sa kanila ako naka-focus. Sabi nila pader raw ang babanggain ko.

“Pero hindi ko iniisip yung pader kundi yung mga tao na nasa kabila ng pader. Kaya ako gumagawa ng hagdan at para makasampa kayo at makatawid sa kabilang pader.

“Sana maging matalino na ang mga Manilenyo. Marami na ang naninira sa akin, eh. Huwag tayo magpapadala sa mga sayaw, mga acting or entertainment. Tama na po iyan. Nandito na po ang pagbabago,” Sam said.

Read more...