Cancer ni Doc Willie Ong patuloy na gumagaling: Akala ko katapusan ko na

Cancer ni Doc Willie Ong gumagaling na: Akala ko katapusan ko na!?

Willie Ong

MAKALIPAS ang mahigit dalawang buwan ay bumubuti na ang kalagayan ng tinaguriang Doktor ng Bayan na si Willie Ong.

Nagbigay uli ng updates si Doc Willie tungkol sa patuloy na pakikipaglaban niya sa sarcoma o abdominal cancer na talagang nagpahirap sa kanya nitong mga nagdaang buwan.

Nasa ibang bansa pa rin hanggang ngayon ang doktor kung saan siya nagpapagamot pero kahit wala sa Pilipinas ay nakapaghain pa rin siya ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa pagtakbong senador sa 2025 elections sa pamamagitan ng kanyang maybahay na si Dra. Liza Ong.

Sa kanyang Facebook post, nabanggit nga ni Doc Willie na patuloy ang pagbuti ng kanyang kalagayan matapos sumailalim sa iba’t ibang medical treatment.

Baka Bet Mo: Kris Aquino may update sa kanyang health condition, nagpasalamat sa mga patuloy na nakaaalala at nagdarasal

“Personal Sharing: Mahal kong followers, Halos 2 buwan na ang nakalipas, akala ko ay tapos na ang buhay ko.

“Ngayon, unti-unti na akong gumagaling. At lumiliwanag na ang plano ng Diyos sa buhay ko,” ang masayang pahayag ng doktor.

Naniniwala raw ang senatorial aspirant na may plano ang Diyos para sa kanya at sa lahat ng naniniwala at sumasampalataya sa Kanya.


“Lord, medyo mabigat lang itong pinapasan mo sa akin. Pero okay lang, kinaya ko naman at lalo pa akong lumakas.

“Buo ang tiwala ko sa plano mo sa akin at sa Pilipinas. Para sa kalusugan at mental health ng Pilipino,” aniya pa.

Nanawagan din siya sa lahat ng Pilipino na magtiwala lamang sa kalooban ng Panginoon at huwag na huwag susuko sa anumang laban ng buhay.

“Kaibigan, tandaan hindi ka habang-buhay luluha at malulungkot. Darating din ang ginhawa mo. At isang araw, maiintindihan mo ang dahilan ng iyong mga pagsubok.

“Magtiwala ka sa plano ng Diyos sa buhay mo. Ang trabaho lang natin sa mundo ay magmahal, tumulong sa kapwa at magpatawad,” mensahe pa niya.

Nauna rito, ibinahagi rin ni Doc Willie sa publiko na lumiit na ang kanyang sarcoma, na isang magandang senyales na unti-unti nang nagagamot ang kanyang cancer.

Read more...