LATE na namin mapanood ang episode ng “Cristy Ferminute” kanina sa YouTube channel ng One PH kung saan ibinalita ni Nanay Cristy Fermin ang tungkol sa isang kinakaharap na kasong libel.
Natalo raw siya sa piskalya (hindi kasama ang mga co-host niyang sina Wendell Alvarez at Romel Chika) sa kasong libelong isinampa ng mag-asawang Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at Sharon Cuneta sa Makati City noong Mayo 10, 2024.
Ilang araw pa lang ang nakararaan nang masayang ibalita ni ‘Nay Cristy sa “CFM” na panalo sila nina Wendell at Romel Chika sa cyberlibel case na isinampa sa kanila ng magulang ni Sarah Lahbati na sina Ginoong Abdel at Ginang Esther Lahbati sa Quezon City.
Pero sa demanda ng mag-asawang ex-Sen. Kiko at Sharon ay hindi ito napagtagumpayan ng “CFM” host.
Balita ni ‘Nay Cristy, “Ako naman po ay bukas ang aking libro ng buhay sa inyo kapag may may saya, may lungkot. Kapag may magandang balita, meron ding nagaganap na hindi natin gusto. Sinampahan po kami ng kasong libelo ng mag-asawang dating Senador Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta.”
Baka Bet Mo: Bea Alonzo talo sa cyber libel case na isinampa laban sa kasambahay
Ang mga reklamo laban kay Nanay Cristy ay ang mga sumusunod na titulo, “KC ayaw na ng drama”; “Mega may favoritism”; “Palusot ni Sharon buking”; “Diary nina Sharon at Kris Aquino social media”; “Sharon Cuneta problemado talaga”; at “Sharon at KC sayang na relasyon.”
“Ito po ‘yung mga isinampang kasong libelo sa akin. Kami naman po ni Atty. Shirley Tabangcura ay humanap ng aming mga depensa, depensa dahil sila ay pampublikong pigura ay inilatag po namin ang aming mga dahilan at katwiran. Pero sabi ko nga po hindi lahat ng panahon na ang ating gusto ay natutupad.
“Natalo po ako sa kasong libelo na isinampa nina dating Senador Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta, five counts po ito sa piskalya ng Makati. Ito po ay pinirmahan ni Senior Assistant City Prosecutor Rafael Rodrigo Esguerra at recommending approval naman po ng dalawang city prosecutor po ang pumirma.
Inirekomenda ng Office of the City Prosecutor of Makati ang pagsasampa ng limang kasong libelo laban kay Nay Cristy. Itinakda ang piyansa sa halagang P48,000 kada kaso o kabuuang P240,000.
“Ang sa amin lamang po ay hindi lang naman ngayon ang laban, ito po ay sa piskalya pa lamang, sa mga nag-aalala po, nalulungkot at ika nga ay nakikisimpatiya sa inyong lingkod, ‘wag po.
“Unang hakbang pa lamang po ito sa piskalya, aakyat po ito ngayon sa RTC Makati, kung anuman po ang maganap sa pagdinig dito, meron pa po tayong Court of Appeals at pag hindi po natin nakuha ang tagumpay ay meron pa pong katas-taasang hukuman, ang Supreme Court,” paliwanag ng beteranang manunulat.
Anyway, nagpasalamat si ‘Nay Cristy sa lahat ng suportang natatanggap niya mula sa CFM’ers dahil hindi siya iniiwan at kasama sila sa lahat ng laban.
“Ang laban po ay hindi natin uurungan at tayo ay patuloy na maniniwala na lahat ng tao ay mayroon pong dahilan at katwiran sa kanilang ipinaglalaban,” diin ni ‘Nay Cristy.
Samantala, pagkatapos ng malungkot na balita ni ‘Nay Cristy ay heto at binigyan naman siya ng magandang balita na ibinahagi niya sa lahat ng sumusubaybay ng “Cristy Ferminute” na napapakinggan sa 92.3 Radyo5 True FM.
Bibigyan siya ng parangal ng GEMS na isang award giving body “that recognizes outstanding achievements in the fields of PRINT, STAGE, RADIO, TELEVISION, and FILM.”
“Ako’y emosyonal at malungkot at katatanggap ko lang nito (dokumento) kaninang umaga (kahapon) sulat mula sa GEMS Hiyas ng Sining na binubuo po ng educators, mentors and students. Mahigpit po ang pamimili nila sa kanilang pinararangalan.
“Sa SNN po ako kinasuhan ng mag-asawang Pangilinan (Kiko at Sharon), ito naman ang nilalaman ng resulta ng GEMS, Best Digital Program Host and Entertainment Human Interest and Variety, Cristy S. Fermin- Showbiz Now Na.
“Sa pamunuan po ng GEMS maraming-maraming salamat po sa inyo! Ito ang tinatawag natin na ang tadhana napakabilis gumamot ng sugat, ang aking lugmok na kalooban nagbigay sila kaagad ng parangal na ikagagalak naman po ng aking puso. Maraming Salamat GEMS.”
Nabanggit pa ng “CFM” host na noong araw ay P10,000 lang ang bail sa bawa’t kaso ngayon daw ay P48,000 na kaya sa limang counts ay kulang sa P250,000.
“Tumaas na ang inflation, kaya sa mga may kasong libelo, paghandaan n’yo na ito,” payo ni ‘Nay Cristy.