MAY nakakalokang patutsada ang veteran broadcast journalist na si Arnold Clavio sa mga kakandidato sa darating na 2025 elections.
Idinaan ni Igan sa kanyang Instagram account ang pagpaparinig sa mga personalidad na naghain ng mga Certificate of Candidacy (CoC) para sa pagtakbo nila sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.
Base sa post, binigyan pa ng “scientific name” ng Kapuso TV host at news anchor ang mga kandidatong wala naman daw magagandang plano para sa mga Pilipino pero gustong maiboto sa susunod eleksyon.
“CACATUA MANGMANGUSAMUS (Noun),” ang simulang post ni Igan.
Baka Bet Mo: Igan nakaranas ng himala matapos ma-stroke: Ingat ka sa second attack!
Paliwanag niya sa kanyang hugot, “Scientific name ng mga kandidatong gustong manalo pero walang plano.”
Wala namang ibinigay na anumang clue ang Kapuso broadcaster kung sinu-sinong kandidato ang kanyang pinatatamaan.
Isa naman sa mga celebrities na nagkomento at sumang-ayon sa ipinost ni Igan ay ang veteran character actor na si Gardo Versoza.
“Hahahahahaha kanya kanyang diskarte talaga para makaahon sa buhay at magkamal ng salapi,” ang sabi ni Gardo sa comments section.
In fairness, kabilang si Gardo sa ilang matatapang na celebrities na nagbibigay ng kanyang saloobin hinggil sa takbo ng politika rito sa Pilipinas.
Kamakailan ay nag-post si Gardo sa IG ng isang artcard kung saan nakasulat ang naging pahayag noon ng yumaong Comedy King na si Dolphy tungkol sa pagsabak sa politika at sa isyu ng political dynasty sa bansa.
Sa interview ng “Kapuso Mo Jessica Soho” sa Hari ng Komedya noong nabubuhay pa ito ay sinabi nitong may kinatatakutan siya sakaling tumakbo, at lalo na kapag nanalo pa siya.
“Doon nga ako natatakot, kasi baka manalo ako. Kung talagang papasok ako riyan, talagang magsisilbi ka sa bayan. Kung mapapabayaan ko, huwag na,” sagot ng Comedy King.
Ito naman ang inilagay na caption ni Gardo sa kanyang IG post, “Sa mga tatakbo sa 2025 lalung lalo na ang mga artista at sports icons, dapat bang maging gabay ang sinabi ni Dolphy?”
Sumakabilang-buhay si Dolphy noong July 10, 2012 sa edad na 83 “due to multiple organ failure and the complications brought about by severe pneumonia, Chronic Obstructive Pulmonary disease and acute renal failure.”