Kitkat nagpapadede pa rin sa anak, wish mabuntis uli

Kitkat nagpapadede pa rin sa 2-anyos na anak, wish na mabuntis uli

Kitkat, Walby Favia at Uno Usher

TUWANG-TUWA kami sa anak nina Kitkat at Walby Favia na si Uno Usher na magdadalawang taon na sa Mayo, 2025 nang makita namin sa birthday party ng katotong Pilar Mateo sa Music Box.

Napaka-charming kasi ng bagets at talagang ang lutong ng tawag niyang “lola” kay Pilar at “other lola” naman sa amin. Pero ang katotong Maricris Valdez ay ayaw patawag na lola kasi hindi naman daw mukhang granny.

At panay ang palakpak niya habang kumakanta ang mommy Kitkat niya sa stage na hindi inalis ang tingin hanggang makabalik sa upuan.

Maya-maya ay gusto ng magdede at take note, breastfeeding pa rin si Kitkat.

Baka Bet Mo: Kitkat naitataguyod ang anak kahit walang maid, yaya at lola: Nakaka-proud!

“Yes, sa akin pa rin dumedede at gusto ko naman din ‘yun bilang bonding naming mag-ina,” say ng singer-actress.

Susog namin na kapag breastfed ay malakas ang immune system at um-oo naman ang mommy ni Uno Usher.

Nakuwento nga ni Kitkat na may tinanggihan silang kilalang formula para sa TV commercial nilang mag-ina at malaki ang budget.


“Di ba ‘yung iba tatanggapin tapos kukunan lang at puwede naming hindi iyon ang gatas talaga ng baby, hindi ko kaya ang ganu’n saka breastfeeding advocate ako. Nagdo-donate ako ng gatas,” kaswal nitong sabi.

Maraming kumukuha na sa bagets tulad ng kilalang diaper at ipinakita rin sa amin ang pictorial at may mga coming soon pa na bawal pang sabihin.

Aminado rin si Kitkat na hindi siya basta makaalis ngayon for work kahit pa triple ang talent fee niya dahil nga hinahanap siya lagi ng anak kaya kapag may malalapit at kaya naman ay isinasama niya ang kanyang mag-ama para nakikita siya ng anak.

Samantala, may plano pa ring magkaanak uli sina Kitkat at Walby para may kapatid si Uno Usher at hindi ito malulungkot.

Read more...