NAG-UUMPISA nang maghanda ang TV host na si Willie Revillame para sa kanyang bagong journey.
Ito ay matapos siyang mag-file ng certificate of candidacy (CoC) para sa 2025 midterm elections.
Sa Facebook, proud na ibinandera ni Willie ang litrato ng kanyang training session na kung saan ay nais niyang makondisyon ang kanyang katawan at isipan para sa nalalapit na kampanya sa pagkasenador.
Ang kinuha pa nga niyang personal trainer ay si Coach Hazel Calawod, ang sports occupational therapist ng two-time Olympic champion na si Carlos Yulo.
“Umpisa na para ma-kundisyon ang health ng mind and body ko for a commitment,” bungad ni Kuya Wil sa post.
Baka Bet Mo: Pagtakbo ni Willie sa 2025 umani ng kanegahan, umatras kaya sa laban?
Wika pa niya, “With Coach Hazel Calawod, the personal trainer of Gold Olympic Medalist Carlos Yulo.”
Sa comment section, marami ang sumang-ayon sa fitness journey ni Willie at narito ang ilan sa mga nabasa namin:
“Yes!! Right good health first before the challenges. God bless kuys.”
“Go go kuys grab that one seat in the senate. Do what you want to do especially for the good of many including me hehehe. Good luck kuys.”
“Go Kuya Willie! Para laging kondisyon ang katawan. Makapag-isip ng mabuti kapag laging healthy. Sarap sa pakiramdam kapag laging pinagpawisan.”
“Kuya will baka magkakaginto ka rin nyan [laughing emojis]. Go kuya Wil! Good for your health yan.”
Magugunitang marami ang nagulat sa last minute filing ni Willie ng kanyang CoC noong October 8 sa The Manila Hotel Tent City.
Inakala kasi ng lahat na hindi na nito itutuloy ang planong pasukin ang politika pero biglang nabago ang lahat at nagdesisyon ngang kumandidato bilang senador.
May nagtanong nga kay Willie kung ano ang nagtulak sa kanya para kumandidatong senador, “‘Yung mga nakikita ko…away. Awayan nang awayan. Mga edukado.
“Ang tingin nila sa mga artista, eh, masyadong mababa. Aba’y kami may magagandang puso para sa ating mga kababayan,” sagot ni Willie.
“Kung makikipag-away ako sa Senado, makikipag-away ako para sa mahirap. Hindi lang batas nang batas, ang batas sa mahihirap ang kailangan natin,” mariing sabi pa ng beteranong host.
Patuloy pa ni Willie, “Ano ba ang purpose ng isang senador? Hindi ako abogado, hindi ako nakatapos, pero ang purpose dapat ng bawat senador, bawat nagpa-public servant, bawat namumuno sa local government, mabuting puso ang mayroon ka. Ang lagi mong iniisip ‘yong mga kababayan mo.”
Sabi pa niya, napakarami na raw nagawang batas ang mga umupong presidente ng Pilipinas pati na ang mga senador at kongresista pero bakit hanggang ngayon ay napakarami pa ring naghihirap na Filipino.