MAY mensahe ang aktor na si Rodjun Cruz sa gitna ng isyu na kinakaharap ng singer-actress na si Julie Anne San Jose.
Ito ay kaugnay pa rin sa nag-viral na performance ni Julie Anne sa loob ng simbahan kamakailan lang.
Sa pamamagitan ng Instagram Story, shinare ni Rodjun ang inilabas na official statement ng Sparkle GMA Artist Center.
Kalakip niyan ang caption na, “Love you Julie @myjaps! [red heart emoji] Wala kang kasalanan dun.”
“Professional ka lang talaga at iniisip mo lang palagi na mapasaya at ma-inspire ang mga audience mo,” wika pa niya.
Baka Bet Mo: Rodjun Cruz: Wow! Grabe ka Lord, answered prayer na naman ‘to!
Ani pa ng kapatid ng boyfriend ni Julie Anne na si Rayver Cruz, “Mahal ka ni Lord [emojis] Akap!”
Magugunitang binatikos ang Kapuso singer matapos kumalat sa social media ang video na kinakanta ang “Dancing Queen” ng ABBA sa harapan ng altar ng isang simbahan.
Nangyari ito noong October 6, kung saan isa si Julie Anne sa mga nag-perform para sa “benefit concert” na ginanap sa Nuestra Señora Del Pilar Shrine sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Bukod dito, may isa pang video ang kumalat sa TikTok kung saan lumapit naman si Julie Anne sa audience habang kinakanta ang “The Edge of the Glory” ni Lady Gaga.
Dahil nga sa nangyari, inako ng Sparkle ang responsibilidad at humingi sila ng sorry sa publiko, pati na rin kay Julie Anne.
Kahit mismo ang singer-actress ay humingi rin ng taos-pusong pagso-sorry na ibinadera niya sa social media.
Sey sa bahagi ng kanyang pahayag, “I truly, sincerely apologize. This is a lesson learned and it is assured that it will not be repeated.”
Pagpapatuloy niya, “I am not perfect but please know that I have strong beliefs and my faith is unbreakable and cannot be shaken.”
Recently lang din ay nag-post din ng public apology ang Apostolic Vicariate of San Jose, pati na rin ang parish priest ng Nuestra Señora del Pilar Shrine na si Rev. Fr. Carlito Dimaano.
“Inaamin ko pong may mga mali kaming desisyon ukol dito. Inaako ko po ang lahat ng mga pagkakamaling ito,” lahad sa pahayag ng pari.
Aniya pa, “Kung maibabalik ko lamang po ang panahon, disin sana’y naisakatuparan ng tama at wagas ang gawaing ito na alay kay Maria.”