WALANG paki ang “StarStruck” alumnus at proud transman na si Jesi Corcuera sa mga bumabatikos sa desisyon niyang magbuntis at magkaanak.
Magkakaiba ang reaksyon ng publiko sa pagdadalang-tao ni Jesi sa pamamagitan ng artificial insemination, may mga nag-congratulate sa kanya at meron ding nangnega.
Pero para kay Jesi, hindi na mahalaga para sa kanya ang sasabihin ng ibang tao at paninindigan niya hanggang sa huli ang kagustuhan niyang magkaroon ng sariling anak.
Sa panayam sa kanya ng “Fast Talk with Boy Abunda” kahapon, October 8, naikuwento ni Jesi kung paano niya pinaghandaan ngayon ang pagiging parent.
Baka Bet Mo: Jesi Corcuera ipinakita ang surgery scars: Simbolo ng aking kalayaan
Sabi ng StarStruck Avenger, talagang noon pa niya pinapangarap ang magka-baby, ito’y bago pa sila magkabalikan ng kanyang partner na si Camille.
“Actually po bago po kami po na mag-together again, nauna ‘yung pagplano ko na magka-baby na. Parang pumasok si Camille, nag-stop na ako mag-hormones. Kumbaga planning na talaga na nagpupunta na ako sa hospital,” pagbabahagi ni Jesi.
Simula raw noong makasama niya ang mga anak ni Cams, mas lalo pa raw siyang na-excite na magkaroon ng sariling anak. Aniya, nakakaramdam din siya ng pressure at selos kapag nakikita niya si Camille na nag-aalaga sa mga anak nito.
Ayon pa kay Jesi, hindi raw importante ang gender ng isang tao para maging magulang, “Sa pagtayo ko bilang tatay ng mga anak ni Cams, ang daming realizations.
“So parang sinabi ko bago mabuo ‘yung isang bata, meron namang mama at papa. Hindi lang naman mama lang. So sabi ko, ‘Puwede ko naman siya gawin kasi may mga single mom, nagpapakatatay.’
“So, parang ganu’n ‘yung inisip ko na lang. Hindi nagma-matter kung ano ‘yung kasarian mo para maging isang magulang,” esplika niya.
Sa tanong ni Tito Boy, kung ano ang isasagot niya sa magiging anak kapag nagtanong ito kung bakit iisa lang ang kanyang magulang.
“Maiintindihan niya na hindi man pareho ng iba, meron mama at papa, at least ako, isa lang ako kaya ko na siya. Hindi ko kailangan mag-transform ng dalawang tao para mahalin siya,” paliwanag ni Jesi.
At para hindi na maapektuhan ng pamba-bash ng ibang tao dahil sa kanyang pagbubuntis bilang transman, hindi na lang nagbabasa si Jesi sa social media.
Ito rin daw ang payo sa kanya ng kanyang doktor upang makaiwas sa stress parang na rin sa kaligtasan ng sanggol sa kanyang sinapupunan.
Si Jesi ay isa sa mga produkto ng “StarStruck: The Next Level” ng GMA 7 na umere noong 2006 kung saan nakasama niya sina Aljur Abrenica, Kris Bernal at Chariz Solomon.