IPINAMUKHA ng aktor na si Gardo Verzosa sa mga celebrity na tatakbo sa 2025 elections ang naging pahayag ng yumaong Comedy King na si Dolphy nang tanungin tungkol sa politika.
May konek ito sa mga taong kumukubinsi noon kay Mang Dolphy na pasukin din ang mundo ng politics tulad ng ilang artistang nagkaroon ng posisyon sa gobyerno.
Nitong mga nagdaang araw, sandamakmak na artista at content creator ang naghain ng certificate of candidacy at certificate of nomination and acceptance para sa pagtakbo nila sa susunod na eleksyon.
Baka Bet Mo: Dimples, Gardo, Ice, Gladys, iba pang artista may pa-tribute kay Jaclyn
Ilan nga sa mga kakandidatong celebrity para sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ay sina Vilma Santos, Nora Aunor, Bong Revilla, Manny Pacquiao, Luis Manzano, Aiko Melendez, Richard Gomez, Lucy Torres, Phillips Salvador, Angelika dela Cruz, Sam Verzosa, Aljur Abrenica, Angelu de Leon, at marami pang iba.
Kaya naman marami ang nakapansin sa Instagram post ni Gardo Versoza kung saan makikita ang litrato ni Mang Dolphy at ang naging sagot niya nang matanong kung hindi na niya kailanman binalak na pumasok sa politika.
Sa interview ng “Kapuso Mo Jessica Soho” sa Hari ng Komedya noong nabubuhay pa ito ay sinabi nitong may kinatatakutan siya sakaling tumakbo, at lalo na kapag nanalo pa siya.
“Doon nga ako natatakot, kasi baka manalo ako. Kung talagang papasok ako riyan, talagang magsisilbi ka sa bayan. Kung mapapabayaan ko, huwag na,” sagot ng Comedy King.
Ito naman ang inilagay na caption ni Gardo sa kanyang IG post, “Sa mga tatakbo sa 2025 lalung lalo na ang mga artista at sports icons, dapat bang maging gabay ang sinabi ni Dolphy?”
Sumakabilang-buhay si Dolphy noong July 10, 2012 sa edad na 83 “due to multiple organ failure and the complications brought about by severe pneumonia, Chronic Obstructive Pulmonary disease and acute renal failure.”
Sa isang panayam kay Gardo ay natanong din siya kung naniniwala ba siya sa pag-eendorso ng mga celebrity sa mga kandidato during elections.
“Merong nag-offer sa pangangampanya. Kaya nga lang kasi, nagko-contradict dun sa paniniwala ko.
“Feeling ko, parang hangga’t walang nagpapasa ng bill para maisabatas yung paglilimita ng mga asset ng kung sinuman (kandidato), hindi talaga mawawala yung corruption, di ba?
“Kasi siyempre, ‘yan ang parang hahabulin nila once elected. Kumbaga, ang magkamal (ng pera), di ba? Pero kung lilimitahan ‘yon.
“Like, let’s say meron ka lang certain amount, na pag na-reach mo na yung amount na ‘yon, lahat ng sosobra, puwedeng ibigay na lang sa charitable institutions. So, maraming makikinabang kapag ganu’n.
“Kapag tinanggap na nila yung gano’ng sistema, ‘saka ako maniniwala na talagang gusto nilang magsilbi sa bayan. Pero hangga’t hindi sila open sa ganu’n… alam mo yung iba, mag-iipon at mag-iipon ‘yan (habang nasa puwesto),” paliwanag ni Gardo.