ILANG minuto bago tuluyang isara ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtanggap ng mga Certificate of Candidacy, dumating si Willie Revillame para humabol sa paghahain ng CoC.
Eksaktong 5 p.m. nang makapag-file ng kanyang CoC ang veteran TV host para sa pagtakbong senador sa magaganap na eleksyon sa 2025.
Matagal ding pinag-isipan ni Willie ang kanyang pagsabak sa mundo ng politika bago magdesisyon. Aniya, hindi para sa kanya ang gagawin niyang pagtakbo kundi para sa buong sambayanang Filipino.
Kahapon, October 7, nago matapos ang programa niyang “Wil To Win” sa TV5 ay humiling siya sa mga manonood na ipagdasal siya at nabanggit pa ang tungkol sa kawalan umano ng batas para sa ikagiginhawa ng mga mahihirap sa Pilipinas.
Baka Bet Mo: Vilma, Luis, Ryan ‘di napigilan ang pagtakbo sa 2025, nag-file na ng CoC
“Itong gabing ito, ipagdasal n’yo lang ako. Itong huling ilang oras, hanggang bukas ng alas-singko, ipagdasal n’yo lang ako na gabayan ako ng Panginoong Diyos na tama ang magiging desisyon ko sa buhay,” panawagan ni Willie sa kanyang supporters.
Aniya pa, “Marami nang mga batas na ipinasa. Marami nang mga dumating na namumuno saan mang lugar. Pero ang buhay ng mahihirap, mayroon bang batas sa mahihirap kung paano guminhawa ang buhay nila?”
“Kapag nandito ako bukas, tuloy-tuloy. Kapag wala ako, mas malaki ang maiaambag ko sa bawat Pilipino,” mariin pa niyang sabi.
Samantala, sa panayam naman ng entertainment writer na si Jojo Gabinete para sa Pep.ph sinabi ni Willie na hindi raw alam ng kanyang pamilya ang kanyang naging desisyon.
“Kung ako ay pagkakalooban ng Diyos na mabigyan ng pagkakataon, huwag kayong mag-alala, wala sa isip ko, wala sa bokabularyo ang gumawa ng isang bagay na ikagagalit ng lahat at hindi ko kayang mang-isa ng kapwa.
“Mas masarap yung ikaw ang nagbibigay kesa ikaw ang humihingi. Mas masarap yung ikaw ang nasasaktan. Masarap na pakiramdam yon kasi hindi ka makakatulog kung ikaw ang nananakit sa buhay.
“Ang television shows ko, nasa 21 years na ako. For 21 years, wala akong hinangad kundi yung makapagpasaya, makatulong sa mga kababayan natin na mahihirap na walang kapalit.
“Siyempre, malaking bagay yung mga sponsor kaya kami nakakapagbigay ng mga papremyo na ikaliligaya ng mga kababayan natin na mahihirap. At this point and time of my life, siguro this is the turning point na magsilbi sa buong Pilipinas. Hindi yung sa isang studio lang,” ang pahayag pa ng TV host sa nasabing interview.