IKAKASAL na raw ang Queen of All Media na si Kris Aquino sa bago niyang boyfriend na si Dr. Michael Padlan na nagseserbisyo sa Makati Medical Center.
Iyan ang ipinagkakalat ng isang Facebook page na ginagamit pa ang account ng isang legit na publication sa pagpo-post ng mga fake news.
Ayon sa inilabas na pekeng balita ng naturang poser, nakatakda na raw ang intimate wedding nina Kris at Dr. Michael na gaganapin sa isang events place sa Makati City.
Kalakip pa ng naturang FB post ang mga litrato ng venue na punumpuno ng mga halaman at bulaklak.
Baka Bet Mo: Snooky Serna umaming muntik makipagtanan kay Albert Martinez; tinawag na ‘great love’ ang isang yumaong aktor
Ngunit mariin nga itong pinabulaanan ng award-winning TV host-actress sa pamamagitan ng kanyang kaibigang si Kuya Dindo Balares na dating entertainment editor ng isang tabloid.
Narito ang buong post ni Kuya Dindo sa kanyang FB kalakip ang mga screenshot ng ipinakakalat na fake news ng naturang Facebook page.
“THE BEST ANSWER TO THAT FAKE NEWS,” ang title ng kanyang social media post.
“Back to Bicol ako para ituloy ang pagtatanim, nang matanggap ko ang sunud-sunod na messages at link ng post na ikakasal daw si Kris sa physician boyfriend.
“Nasa ibaba po ang chat namin ni Krisy kani-kanina,” pasakalye ng confidante ng premyadong TV host.
“Hello Krisy! As much as possible, ayaw kong iniistorbo ka. Pero dumadami ang nagtatanong na media friends. Gusto mo bang sagutin ko?” ang sabi pa sa post.
Ito naman daw ang naging reply ni Kris, “Kuya Dindo, the best answer to that fake news is how can your panganay who has adult onset asthma and has publicly admitted to having Chronic Spontaneous Urticaria and is currently undergoing treatment that makes her extra sensitive to direct sun exposure and as you yourself know sobrang allergic ako sa mga dahon ng puno (trigger ng allergic rhinitis and asthma for me) especially grass as in damuhan – does it make sense na pipili ako ng outdoor venue? Na punung-puno ng halaman?
“Hindi lang ako ang may asthma, si Bimb also has asthma.
“Kuya Dindo, kung totoong kilala ako nu’ng nag-scoop nito alam niya dapat ‘yung alam na alam mo — hindi friend ng respiratory system ko ang mga puno at lalo na ang grass, kahit nga astroturf bawal because maraming alikabok na puwedeng ma-collect.
“Dapat maniwala lang sila kung ikaw or si Pareng Ogie (Diaz) ang mag-‘giveaway’ na blind item,” lahad pa ni Kris.
Nasa Pilipinas na ngayon ang nanay nina Joshua at Bimby at patuloy pa ring sumasailalim sa iba’t ibang treatment para sa kanyang autoimmune diseases.