SA darating na eleksyon, hindi lang puro payo o paalala para sa mga botante ang ibinabandera sa social media.
Siyempre, kailangan ding paalalahanan ang mga kakandidato sa 2025 midterm elections.
Katulad na lamang ng actress-politician na si Aiko Melendez na nag-post sa Facebook upang magbigay ng mensahe sa mga kapwa-artista na nais magkaroon ng pwesto sa gobyerno.
Ayon sa batikang aktres, dapat alam nila kung anong klaseng trabaho ang balak nilang pasukin dahil buhay ng mamamayan ang nakataya rito.
“Payo sa mga kapwa ko artista [na] nagnanais tumakbo sa public service/politics. Lahat naman tayo [may] puso sa pagtulong but it is also best na kapag papasok sa larangan or posisyon na ninanais niyo, alamin din ang trabaho at talagang ginagawa,” bungad niya sa post.
Baka Bet Mo: Boy Abunda sa pagtakbo sa 2025 elections: Wala talaga sa bituka ko!
Sinabi rin niya na ang pagiging artista o celebrity ay hindi sapat dahil hindi lang pagtulong sa maraming tao ang gagawin.
“Like for me, nung unang pinasok ko ang pagiging konsehal nag-crash course muna ako sa UP-NCPAG for legislative work. Kasi hindi lang naman puro pagtulong ang ginagawa ng isang konsehal. Nagpapasa din ito ng mga batas at resolutions sa sinasasakupan mo,” kwento niya.
Patuloy niya, “So let not be your name ‘as an artista’ ang maging bala ninyo. It is best to know what you are getting into.”
Paliwanag pa niya, “Kasi buhay ng tao ang at stake dito. Lahat naman natutunan at mapag-aaralan pero isapuso ninyo ang pagpasok sa pulitika kasi nakakaawa na mga tao na lagi nalang nagiging sabik sa totoong motibo at serbisyo mula sa ating mga artista.”
“Para na din mas madami ang magtiwala sa ating mga artista na nagtratrabaho ng maigi para sa tao,” ani pa ng actress-politician.
Kung maaalala, nauna nang ibinandera ng aktres na si Jodi Sta. Maria at content creator na si Arshie Larga ang tungkol sa kahalagahan ng “informed decisions” pagdating sa pagboto.
Ayon sa kanila, dapat kilatising mabuti at mag-research kung ano-ano ang mga plataporma ng nais nilang iluklok sa gobyerno.
Ilan lamang sa mga celebrities na nag-file na ng certificate candidacy ay sina Philip Salvador, Marco Gumabao, Ion Perez, Enzo Pineda, Diwata, at ang content creator na si Rosmar Tan.
Tatakbo rin sa 2025 elections ang ilang kilalang personalidad kabilang na sina Manny Pacquiao, Arjo Atayde, Richard Gomez, Jolo Revilla, Lani Mercado-Revilla, Lucy Torres-Gomez, Yul Servo, at marami pang iba.