4 na kaso ng magulang ni Sarah laban kay Cristy, 2 co-host ibinasura

4 na kaso ng magulang ni Sarah laban kay Cristy, 2 co-host ibinasura

Sarah Lahbati, Romel Chika, Cristy Fermin, Wendell Alvarez,Esther at Abdel Lahbati

BUWAN ng Marso ngayong taon nang idemanda sina Nanay Cristy Fermin, Wendell Alvarez at Romel Chika ni Ginang Esther Lahbati at Ginoong Abdel Lahbati ng cyberlibel.

Si Gng. Esther at G. Abdel ay mga magulang ng aktres na si Sarah Lahbati na ayon sa kanila ay siniraan daw ng “Showbiz Now Na” hosts sa kanilang online show kaya nagdemanda ng cyberlibel, harassment, defamation, at unjust vexation.

Saktong anim na buwan ay lumabas na ang resulta, dismissed ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya base sa binasang resolution ni Nanay Cristy sa programa nila ni Romel Chika na “Cristy Ferminute” kahapon ng tanghali sa 92.3 Radyo5 True FM.

Ang saya ng aura nina ‘Nay Cristy at Romel Chika kahapon dahil sa apat na demandang kinakaharap nila ay napawalang-sala na sila.

Baka Bet Mo: Wendell Ramos nagsisi nga ba nang tumakbong hubo’t hubad sa pelikula?

Say ng “CFM” host, “Sa mga nagtatanong kung bakit po kami masaya ni Romel Chika at gusto rin naming isama sa aming kaligayahan si Wendell Alvarez.  Alam n’yo po ang kuwento ng aming buhay bilang mamahayag at nagtatawid sa inyo ng mga balita.

“Napaka-prone po namin sa kung anu-anong problema. Alam n’yo po apat na kaso po ang isinampa laban sa amin ng nanay at tatay nitong si Sarah Lahbati, ang mga kaso ay cyberlibel, harassment, defamation, at unjust vexation,” ani Nay Cristy.

Napangiti muna si Nanay Cristy bago nito binasa ang resolution natanggap.


“Kaninang umaga (Martes, Oktubre 1) po ay natanggap namin nina Wendell at Romel ang nakalagay, ‘Wherefore, Premises considered it is respectfully recommended the complains for cyberlibel, harassment, defamation, at unjust vexation filed against respondent Cristinelli Salazar Fermin aka Cristy Fermin, Wendell Alvarez, and Romel Villamor aka Romel Chika be dismissed for insufficiency of evidence.’”

Napirmahan ang dokumento noon pang Hunyo 19 ng City Prosecutor pero ngayong Oktubre lang nila natanggap na sa madaling salita ay mahigit tatlong buwan lang itinakbo ang kaso.

Nabanggit din ni ‘Nay Cristy na tinawagan niya kaagad sina Wendell at Romel Chika para ibalita at nakatanggap na rin pala ang dalawa ng kopya at hindi pa lang nila nabasa ang nilalaman ng sulat.

Maraming pinasalamatan si ‘Nay Cristy kasama na si Atty. Ferdie Topacio at Annabelle Rama na hindi raw sila iniwan at naniwala sa kanila at higit sa lahat ang CFM’ers at SNN’ers na na laging nakasuporta sa kanila.

“Kapos na ako ng salita Romel, ikaw na muna (magsalita),” sambit ni ‘Nay Cristy.

Sabi naman ni Romel Chika, “Basta ‘Nay dininig ang ating panalangin at least nawala na ang isa sa mga iniisip natin lagi-lagi ay nababawasan na. Sana’y tuluy-tuloy na ang mga magandang balitang nagdaratingan sa atin sa mga susunod na araw, linggo at buwan, maraming salamat po.”

Saka binanggit ni ‘Nay Cristy na anytime soon ay lalabas na rin ang resulta ng mga kasong isinampa sa kanila nina Bea Alonzo, Sharon Cuneta at Dominic Roque.

Read more...