KINUMPIRMA na ni Nanay Cristy Fermin na magsasanib-pwersa ang mag-iinang Vilma Santos, Luis Manzano at Ryan Christian Recto sa darating na 2025 elections.
Tatakbong governor si Ate Vi ng Batangas habang vice governor ang panganay niyang si Luis at congressman naman ng 6th District ng lalawigan ang tatakbuhan ng bunsong si Ryan Christian.
Iyan ang report ng “Cristy Ferminute” host sa programa nila ni Romel Chika kahapon sa 92.3 Radyo5 TRUE FM.
Sabi naman ni Romel, “Nakakatuwa kasi ‘yung mag-iina isipin mo na lang ‘to ‘pag nangampanya.
Baka Bet Mo: Mag-iinang Lani, Jolo at Bryan Revilla sabay-sabay nag-graduate
“Makikita mo paano magmahalan, ‘yung samahan ng mag-iina ang makikita mo rito, yung pamilya na makikita mo na gusto magsilbi sa kanilang constituents,” aniya pa.
Ipinagdiinang galing ang report sa kanyang source kaya’t maraming CFMers na taga-Batangas ang natuwa at ibinilin kay ‘Nay Cristy na susuportahan nila si Ate Vi na may magandang record mula nu’ng maging mayor, governor at congresswoman.
Mismong mga taga-Batangas daw ang nagsusulong na tumakbo si Ate Vi at ito marahil ang sensyales na hinihintay ng aktres kaya siya nagpasya na at kung walang pagbabago ay sa Oktubre 3 magpa-file ng Certificate of Candidacy ang mag-iina.
May taga-Russia ring tubong-Batangas na naging kaklase ni ‘Nay Cristy ang nag-text sa kanya na binasa niya sa ere.
“Nagmemelankonya ako kasi dahil sa kaklase ko nu’ng kolehiyo si Melania Peña ng Cabriza Kemerovo, Russia tanda mo na lagi nating binabati.
“Sabi niya, ‘Watching CFM right now crying in one of the corners of our house, I grew up in Sampaga (Barangay) Batangas (City). From poor family of fishermen, scholar kaming magkakapatid that brought us to school.
“’We’ve been living here in Russia for three decades now life smiled at me wala na akong mahihiling pa. I don’t want to grow old and die here.
“I will return to my hometown, I told my Russian husband I made a promise to him, ‘I will only go back home when Vilma Santos returns to her post as governor of Batangas (and) I mean it next year I’m coming home because I know, she (Vilma) will win thanks. My whole family and friends in Sapaga are for her, love Melania.’
“Kinilabutan ako sa text mo na sabi mong nangako sa sa Russian husband mon a babalik ka kapag bumalik na si ate Vi sa kanyang posisyon. Papadala ko kay Ate Vi itong mensahe mo,” ani Nay Cristy.
Ilang minuto lang ay nag-text na si Ate Vi sa online host, “Ito po nakatanggap ako ng text mula sa Star for All Seasons.
“Nakatutok siya at uulitin pa rin po niya ang panonood mamayang gabi pagkatapos daw po ng kanyang shooting ng ‘Uninvited’ nasa shooting siya. Tapos ang kanya pong mensahe sa mga nagpapadala ng text messages lalo na kay Melania.
“’Oh my God, please thank them for me Ate Cristy. Tell them to look for me and I will meet them and pa-picture kami, salamat po talaga sa inyo ni Romel (Chika) maraming-maraming salamat,” pagbabahagi ng “CFM” host ng mensahe sa kanya ni Ate Vi.
Samantala, halos lahat ng nagpadala ng mensahe kay ‘Nay Cristy ay nagpapatunay na maraming nagawang maganda si Ate Vi sa Batangas noong siya ay nasa posisyon at lahat ay may resibo kaya hinimok talaga siyang bumalik at kasama na nga ang mga anak na sina Lucky at Ryan.
Nabanggit ding hindi raw magre-elect na bise gobernador ng Batangas si Mark Leviste dahil ayaw nitong kalabanin si Ate Vi o ang pamilya nito.