KAHIT mga nakakulong sa piitan, hindi ito naging hadlang sa 19 na mga kababaihan na makapagtapos ng kanilang pag-aaral.
Kamakailan lang, sabay-sabay nilang tinanggap ang diploma para sa kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship sa Quezon City University.
Ang nakakatuwa pa, mga scholar ang mga grumaduate na persons deprived of liberty (PDLs) bilang parte ng “No Woman Left Behind” program ng QC.
“Nakapagtapos na ang 19 women persons deprived of liberty (PDLs) na nakapiit sa Quezon City Jail Female Dormitory (QCJFD) sa kursong BS Entrepreneurship na bahagi ng programang ‘No Woman Left Behind’ ng lungsod,” proud na anunsyo ng Quezon City government sa isang Facebook post.
Baka Bet Mo: Juliana Gomez nag-babu na sa UP, proud maging ‘Iskolar-Atleta ng Bayan’
Bukod sa nabanggit na 2-year course, kabilang rin sa education program ng QCFJD ang Adult Basic Education, High School Equivalency, at ilang creative and recreational programs.
“Bahagi nito ang mga programang nagbibigay oportunidad para sa PDLs tulad ng livelihood, aftercare services, mother and child care, at health care services,” sey sa post.
At para mapanatili ang mas inklusibo at pantay na edukasyon sa bansa, binuksan na ng Polytechnic University of the Philippines Open University System (PUP OUS) ang kauna-unahang klase sa Manila City Jail Male Dormitory.
Base sa napagkasunduan sa pagitan ng eskwelahan at ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Manila City Jail, magkakaroon sila ng tertiary education bilang parte ng rehabilitation program para sa PDLs –isa na riyan ang kursong Bachelor of Science in Business Administration major in Marketing Management.
Noong Marso, sinabi ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan na ang mga ganitong klaseng programa ay lubos na makakatulong sa pag-improve ng mga komunidad at maiiwasan pa ang paulit-ulit na pagkakasala ng mga PDLs.
Ipinakita pa nga ni Yamsuan ang 2023 data mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na aabot sa 19,299 PDLs ang nagpatuloy ng kanilang edukasyon kahit sila ay nakakulong sa BJMP facilities.
Ayon pa sa kanya, ito ay dahil na rin sa ilang educational partnerships at programs.