“SURVIVOR” ang tinaguriang Crystal Voice of Asia na si Sheryn Regis dahil sa kabila ng napakaraming pagsubok na pinagdaanan ay nakatayo pa rin siya at patuloy na lumalaban sa buhay.
Bukod sa mga struggles niya sa pagiging single mother sa kanyang anak sa dating asawa na si Sweety, marami rin siyang pinasok na trabaho noon nang manirahan sa Amerika ngunit nagdesisyon din siyang umuwi sa Pilipinas.
Nagkaroon din ng stage two thyroid cancer ang biriterang singer kaya ginawa niya ang lahat para gumaling siya. Noong 2019, ibinalita ni Sheryn na cancer-free na siya ngayon.
Baka Bet Mo: Sheryn Regis naiyak sa Showtime; may ‘hugot’ sa pag-ibig?
Sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda” kay Sheryn, naibahagi rin ni Sheryn kung gaano katindi ang naging epekto sa kanya nang pagkatalo sa reality singing search ng ABS-CBN na “Star In A Million” noong 2003.
Hindi niya matanggap na si Erik Santos ang nanalo sa contest at first runner-up lang siya. Masyado raw talaga siyang nag-expect na siya ang magiging grand champion.
“I was alone that time. Wala akong family that time for that journey for six months ah. Mag-isa ako sa hotel, walang sponsor,” aniya pa.
“‘E, siyempre iniwan ko yung pamilya ko, iniwan ko yung anak ko that time. Alam mo yun, I expected to win kasi nga nawalan kami ng trabaho.
“Nawalan ako ng trabaho sa hotel kasi nag-close na yung lounge na kinantahan ko. So ang iniisip ko ngayon, paano ako makakabiling diaper, e wala kaming walang trabaho?
“So sabi ko, eto na lang talaga yung pag-asa. E, yung nakuha ko pang pera, kulang, sobrang layo sa panalo. Millionaire yung winner pero ako 60,000 yung nakuha ko.”
“I expected too much, too much na ano din, sakit…gigil,” paliwanag pa niya.
Naalala rin niya ang naging conversation nila ng yumaong movie icon na si Cherie Gil na isa sa mga naging judge sa “Star In A Million” kung saan pinalakas daw nito ang kanyang loob matapos matalo.
“She told me ‘di ka papabayaan ng network. Sabi n’ya, magiging artista ka pero puzzled pa rin yung mukha ko. Paano? ‘Di ako winner. Yun ang naisip ko then I went back to Cebu,” aniya.
Diretsahan din siyang tinanong ni Tito Boy kung may galit na siya kay Erik at maging sa kanya mismo dahil ang King of Talk ang manager ni Erik noong panahong iyon.
Sey ni Sheryn, “Hindi, Tito Boy, kasi after the competition, tinawagan ako ni Erik. Sabi niya, ‘okay ka lang ba?’ Sabi ko kay Erik, ‘hindi.’ Alangan naman magpanggap ako, ‘di ba?
“Very honest ako kasi nandiyan ‘yung bitterness ko, bakit ‘di ako nanalo kasi nga iba ‘yung expectation ko. Iba ‘yung gusto kong makuha kasi nga wala na akong pera.
“Wala na kaming budget that time. Hanggang sa naging okay din. (Sabi ko sa kanya), ‘Okay lang talaga ako, Erik. Congratulations, nagsabi ako sa kanya,” aniya pa.