SINUPORTAHAN ng Star Magic artists sina Kira Balinger at LA Santos sa premiere night ng pelikula nilang “Maple Leaf Dreams” na ginanap sa Gateway Cinema 12 nitong Biyernes ng gabi.
Napakaraming artists ang dumalo na ang kilala lang namin ay sina Janella Salvador at Jameson Blake, dumating din ang Viva artists engaged couple na sina Jerald Napoles at Kim Molina at ang “Showbiz Update” hosts na sina Ogie Diaz at Mama Loi. Naroon din ang magulang nina Kira at LA plus non-showbiz friends.
Sa ginanap na mediacon ay natanong sina Kira at LA kung ano ang pakiramdam na ipe-preempt nila ang pelikula nina Alden Richards at Kathryn Bernardo, ang Hello, Love Again halos pareho ang kuwento tungkol sa Overseas Filipino Worker o OFW.
Sagot agad ni LA, “Ako siguro, sobrang happy ako na masasabi kong nag-Canada kami nina Alden at saka ni Ms. Kathryn. I’m very happy na mabanggit lang na kasama sila at sobrang blessing naman talaga yung makapunta sa Canada.”
Baka Bet Mo: LA, Kira ‘extra challenge’ sa shooting ng ‘Maple Leaf Dreams’ sa Canada
Say naman ni Kira, “Para sa akin I believe that every OFW story is different. I mean, we may have the same location po as Hello, Love, Again. Pero malay po natin baka na magiging sad yung ending nila, sa amin happy. I believe that every OFW story deserves to be told and that they are all different.”
Mula naman sa point of view ng direktor ng pelikula na si Benedict Mique, “ I think the more OFW stories na mapapalabas is more beneficial sa ating mga kababayan, kasi there are so many stories to be told and to be shared. And I think the more na we support Filipino film na ganito, it is the more na sinusuportahan yung ang mga kamag-anak natin, ang mga mahal natin sa buhay abroad kasi this is their story.”
Ang ex-beauty queen na naka-base sa Canada na si Bea Rose Santiago ay aminadong malapit sa puso niya ang pelikula dahil totoong nangyari ito sa buhay niya.
“Napaka-close sa akin po ng story na ‘to, kasi product nga po ako ng mga immigrants, ng mga nag-move at tumira sa Canada. Ako po ay isang product ng pamilyang OFW at lumipat sa Canada. So, lahat po ng achievement ko galing po yun sa sakripisyo ng nanay ko at marami pang ganun din pong story.”
To be fair ay nauna naman talagang i-shoot ang “Maple Leaf Dreams” noong 2023 pa at hindi lang kaagad ito naipalabas dahil mas inuna ang In His Mother’s Eyes na isinali sa 2023 Metro Manila Film Festival pero hindi naman nakapasok.
Kaya ang ending ipinalabas ang “In His Mother’s Eyes” ng Nobyembre 29 na mas nauna sa MMFF.
Going back to “Maple Leaf Dreams” ay hindi rin siguro tamang sabihing gustong i-preempt ng Team MLD ang pelikula ng KathDen dahil matagal na itong tapos at puwedeng sabihin na ang pagkakaiba siguro ng pelikula nina Kira at LA ay ipinakita ang mga kababayan nating nasa Toronto, Canada kung paano sila nakapagsimula ng buhay at anong hirap ang dinanas nila bago sila naging stable roon tulad g kuwento nina Macky at Molly.
Suportado sina Kira at LA ng mga beteranong artista tulad nina Joey Marquez, Snooky Serna, Malou Crisologo, Miss International 2013, Bea Rose Santiago, Jong Cuenco, at Ricky Davao. Kasama rin sina Jeff Gaitan, Hannah Thalia Vito, Luke Afford, Kanishia Santos, at Filipinos based in Canada tulad ni Benito Mique, at Wilson Martinito.
Mapapanood ang “Maple Leaf Dreams” simula September 25, Miyerkulesa at sa iba’ibang cities ng Canada sa September 27 tulad ng Toronto, Winnipeg, Calgary, Edmonton, at Vancouver.
Ang MLD ay mula sa direksyon ni Benedict Mique at kasama niyang nagsulat ng script ay si Hannah Cruz produced ng 7K Entertainment, Lonewolf Films, ABS-CBN Star Magic, distributed by Quantum Films sa Pilipinas at Robe Entertainment sa Canada.