“SI Alice Guo ay pugante. May kasong human trafficking. Hindi po ‘yan celebrity.”
‘Yan ang naging paalala ni Sen. Risa Hontiveros sa mga nagpapa-picture o selfie sa dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, lalo na sa mga kawani ng gobyerno.
Naging viral kasi sa social media ang mga larawan ng dismissed mayor na nasa Immigration Office siya ng Indonesia habang naghahanda pabalik ng Pilipinas.
Ang dami-dami kasing nagpapa-picture kay Alice at ang nakakaaliw ay todo smile pa siya sa mga ito.
Baka Bet Mo: Alice Guo, 7 iba pa pinaaaresto ng Senado: ‘Magpakita na kayo’
Kumalat rin ang group picture na makikitang nasa likod ng sasakyan ang dating mayora na sa tingin namin ay tila may nagsabing, “Oy, picture muna bago tayo umalis.”
Kasama rin kasi ang ibang kawani ng National Bureau of Investigation o NBI.
May video namang kuha na nahagip si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na tila wala naman siyang alam dahil may mga kausap siya.
Trending ang post na ito ni Senadora Risa na umabot sa mahigit 9,600 engagements, 2,700 shares at 843 comments.
Kaya duda ng netizens ay may special treatment si Alice dahil ang ganda ng ngiti nito sa mga nasabing larawan.
Pero ang paliwanag ni secretary Abalos sa press briefing ay wala siyang alam sa mga naglabasang larawan dahil tiyak na kuha ito ng mga taong naroon at tsaka pinost dahil abala siya sa mga kausap niya bukod pa sa naghahabol sila ng oras para sunduin ang dating mayora ng Bamban.
Nabanggit pa ng DILG secretary na nanghiram siya sa kaibigan niya ng eroplanong sasakyan nilang pabalik ng Pilipinas dahil nga last minute na at walang available.
Matatandaang naaresto si Alice ng Indonesian police sa Tangerang City, Indonesia sa ganap na 1:30 Miyerkules ng madaling araw, September 4.
Baka Bet Mo: Ano kaya ang reaksyon ni Risa Hontiveros sa pagiging No. 1 senator ni Robin Padilla?
Samantala, pasado alas dos ng madaling araw kanina, Sept. 6, nang humarap sa media sina Sec. Benhur at Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil para sa press briefing.
Kasama nilang dumating si Alice na nakasuot ng orange shirt na may nakalagay na CIDG detainee, nakaitim na facemask at naka-posas ang mga kamay pero may takip naman ito kaya hindi ito nakita ng media na naroon.
Hindi rin naki-join sa mediacon ang dating mayora at nakatalikod siya sa media at kahit na anong pilit siyang tinatanong ay hindi siya sumasagot dahil wala raw siyang kasamang abogado.
Bagay na sinang-ayunan naman ni Secretary Benhur dahil karapatan naman iyon ni Alice na hindi sumagot sa mga tanong hangga’t wala siyang kasamang abogado.
Sa nasabing briefing ay nasambit ni Sec. Benhur na humingi ng tulong sa kanila si Alice Guo dahil may death threats siya bukod pa sa gusto na rin daw niyang sumuko talaga kaya naman sinigurado niya rito poprotektahan siya kaya’t isiwalat na niya lahat ang mga nangyari.
Bago naman umalis si Alice Guo ay na-ambush interview siya at inulit niya ang sinabi niya kay Sec. Abalos na may death threat nga siya.
“Tulad po ng sinabi ni secretary (Benhur) na may death threats po ako at humingi ako ng tulong sa kanila at masaya rin po ako na nakita ko po sila. I feel safe po maraming-maraming salamat po,” wika ng dating mayor.
Natanong naman ng media kung diretso sa senado si Alice Guo dahil hinintay siya roon para sa pandinig ng mga kaso niya.
Ang plano daw pagkatapos ma-turn over ni Alice Guo sa awtoridad ay dadalhin siya sa Camp Crame para sa medical examination para ma-check kung okay ang health condition niya at tsaka siya dadalhin sa senado, ayon kay Colonel Jean Fajardo, PNP spokesperson.
Inaasahan naman ni Senadora Risa si Alice sa Lunes, September 9, para sa senate hearing.
Ang mga kasong kakaharapin ni Alcie Guo ay Qualified Human Trafficking, Tax Evasion at Money Laundering, base sa inihain ng Department of Justice (DOJ).
Lahat ng ito ay may kinalaman kay Guo bilang ang Baofu leasing company ay pinauupahan ito sa POGO na kung tawagin ay HongSheng/Zun Yuan.
Ayon sa report ng Rappler, “Evidence of torture and trafficking had been found at the POGO. Evidence submitted by several agencies to the DOJ claim Guo never divested from Baofu, contrary to her claim that she let go of her interest when she won as mayor of Bamban, Tarlac in May 2022.”