BABALIK na ng Pilipinas ang dating mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Ayon kay Senador Raffy Tulfo, siya at darating ng bansa mamayang gabi (Sept. 5) sa pamamagitan ng chartered flight.
“Inaasahang darating sa Pilipinas mula Jakarta, Indonesia mamayang 6:18 PM si dismissed Bamban Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping sakay ng chartered flight RP-C6188,” sey ni Tulfo sa isang advisory na ipinadala sa Senate media.
Dagdag pa niya, “Kasama niya sa nasabing flight sina Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police Chief PGen. Rommel Marbil.”
Magugunita noong Miyerkules, September 4, nang naaresto sa Jakarta, Indonesia ang dating alkalde.
Baka Bet Mo: Xian Gaza ibinuking kung paano nakatakas ng Pinas si Alice Guo
Mayroon siyang outstanding arrest order sa Senado dahil sa pagtanggi niyang humarap sa pagdinig noong July 10.
Kapag nakabalik na rito si Alice, sinabi ng Senate’s Office of the Sergeant-at-Arms na dadaan agad ito sa Bureau of Immigration upang ilipat sa National Bureau of Investigation (NBI) at para ma-turn over sa Senado.
Ang proseso ay tulad ng nangyari sa kanyang kapatid na si Shiela Guo na nahuli rin sa Indonesia.
Recently lamang, ibinalita ng Department of Justice (DOJ) na nakikipagnegosasyon ang Indonesia sa Pilipinas upang gawing kapalit si Alice sa Australian na si Gregor Johann Haas.
Wanted kasi sa kanilang bansa si Gregor dahil sa mga kasong drug trafficking na isang capital offense sa Indonesia.
Ayon sa BI, ang wanted Australian ay isang “high-profile fugitive” at miyembro umano ng Sinaloa cartel, isang malaking international organized crime syndicate na naka-base sa Mexico.
Ang nabanggit na cartel ay specialized pagdating sa drug trafficking at money laundering.
Noong Enero nang mag-isyu ng warrant of arrest ang National Narcotics Board of Indonesia laban kay Gregor dahil sa pagtatangkang pagpuslit umano nito ng limang kilo ng methamphetamine mula Guadalajara, Mexico papuntang sa kanilang bansa.
Ayon sa batas ng nasabing Asian country, siya ay posibleng hatulan ng kamatayan by firing squad.
Samantala, si Alice ay nahaharap sa mga patong-patong na reklamo sa DOJ kabilang na ang human trafficking at money laundering kaugnay sa ni-raid na Philippine offshore gaming operator (Pogo) sa Bamban.