SA edad 17, nag-positibo sa Human Immunodeficiency Virus o HIV ang menor de edad na sex worker na itinago lamang sa pangalang “Mikael”.
Kuwento ng binata, napilitan siyang gamitin ang kanyang katawan para matustusan ang kanyang mga pangangailangan, kabilang na ang pagbabayad sa tuition fee.
Ibinahagi ni Mikael ang tungkol sa pagkakaroon niya ng HIV sa bagong dokumentaryo ni Kara David na “Kara Docs” na napapanood sa YouTube channel ng GMA Public Affairs.
Kuwento ng binata na 18-anyos na ngayon, nakuha niya ang HIV dahil sa pakikipagtalik sa iba’t ibang lalaki na nagiging customer niya bilang sex worker sa kanilang probinsya.
Baka Bet Mo: Mikael, Megan inilabas ang naipong energy makalipas ang 2 taon: We’re super duper excited!
Ayon sa binata, nagdesisyon siyang magpakonsulta at magpa-HIV test nang magkaroon siya ng lagnat na tumagal nang isang buwan.
“Alam ko rin po sa sarili ko na active po ako sa mga sexual activities po,” sabi ni Mikael kaya may idea na siya kung bakit hindi nawawala ang kanyang lagnat.
Kuwento pa ng binata, binabayaran siya ng kanyang mga nagiging customer ng P1,500 hanggang P2,000.
“Bale, iha-hire ka po for, ‘yung makikipag-sex ka sa kanila, ganu’n. Bale, doon po ako kumukuha minsan ng kapag naso-short po ako sa mga tuition po, sa mga exam permits ko po,” sabi ni Mikael kay Kara.
Naikuwento rin ni Mikael na maagang pumanaw ang kanyang mga magulang kaya habang tumatagal ay hindi na sumasapat sa pang-araw-araw niyang pangangailangan ang pinansiyal na suporta mula sa mga kamag-anak.
Hanggang sa makahanap siya ng paraan para matustusan ang kanyang pag-aaral, at ito nga ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyo sa mga taong naghahanap ng kakaibang “kaligayahan”.
“Merong app kasi na in-introduce po ako sa isang, bale, hooking app po siya. Tapos doon na po ako napasok na, magpo-for hire ka pero ganyan-ganyan,” sey ni Mikael.
Umamin ang binata na hindi sa lahat ng pagkakataon ay gumagamit siya ng proteksyon kapag meron siyang kliyente.
“Minsan po gumagamit, minsan po hindi, although aware naman po ako sa puwedeng mangyari.
“Pero nu’ng time po kasi na ‘yun, parang iniisip ko na siguro, hindi pa naman siguro laganap dito sa province ‘yung ganu’ng sakit.
“Alam ko po ‘yung risk, pero parang doon po kasi nagbe-base lang ako sa physical appearance ng tao po. Na kapag mukha naman siyang healthy, siguro naman wala, ganu’n,” pagbabahagi pa niya.
Nang malamang positibo siya sa HIV noong March, 2023 ay nagdesisyon siyang huwag nang sabihin sa kanyang mga kamag-anak dahil sa takot na mahusgahan at pandirihan.
Baka Bet Mo: Paalala ng Immigration sa lahat ng biyahero: Ihanda na ang lahat na kailangang dokumento
“Naita-topic din po ‘yung HIV sa mga balita, ganu’n. ‘Ikaw, kapag nagkasakit ka ng ganyan, bakla ka pa naman. Palalayasin kita,’ or ‘ipatitigil kita sa pag-aaral.’ Nakakakuha po ako ng ganu’ng threat, kaya hindi po ako open sa kanila,” pagbabahagi pa ni Mikael.
“Sa family ko po, wala po talaga, kahit sino (ang nakakaalam). So, bale, mag-isa ko pong in-overcome po lahat, pati ‘yung mga laboratories. Kahit mga friend ko, hindi ko po mapagsabihan.
“Kasi sure po akong andu’n magkakaroon ng discrimination, especially po na alam po natin lahat na hindi po lahat ng tao is educated sa ganitong sakit,” kuwento ni Mikael.
Samantala, nai-report din ng “Kara Docs” ang pagdami ng mga menor de edad sa bansa na tinatamaan ng HIV, base na rin sa mga datos ng Department of Health.
Isa pa sa napag-usapan sa naturang dokumentaryo ay ang struggle ni Mikael na makakuha ng gamot dahil limited lamang ang maaaring makuhang serbisyo ng mga menor de edad base sa umiiral na batas.
Nakasaad sa Philippine HIV and AIDS Policy Act, HIV testing lang ang pwedeng ma-avail ng mga edad 15 hanggang 17 nang walang consent o pahintulot ng mga magulang bilang mga minor.
Kaya naman ang isinusulong ngayon ng mga HIV awareness advocate na repasuhin ang batas para makakuha rin ng iba pang serbisyo ang mga menor de edad na may HIV.