HINDI pa nakukuwenta ng Pinoy champ na si Carlos Yulo kung magkano na ang kabuuang halaga ng napanalunan at incentives niya bilang 2-time Olympic gold medalist.
Nakachikahan ng ilang miyembro ng media, kabilang na ang BANDERA, sa pa- tribute na ibinigay sa kanya ng isang online gaming sponsor sa Cinema 11 ng Gateway Mall 2 sa Cubao, Quezon City.
Personal na tinanggap ni Carlos sa naturang event ang P5 million reward ng DigiPlus at Arena Plus, na isa sa mga nag-sponsor sa kanyang paglaban sa 2024 Paris Olympics.
Isinabay na rito dito ang pagpirma niya uli ng kontrata bilang brand ambassador ng naturang online gaming app na mula noon hanggang ngayon ay nakasuporta sa batambatang Olympian.
Mahigit P100 million na ang natanggap na cash incentive at properties ni Carlos matapos makapag-uwi ng dalawang ginto mula sa Paris Olympics, kabilang na riyan ang more than P30 million halaga ng isang condo unit.
Sabi ni Caloy, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa mga pagbabago sa kanyang buhay, lalo na raw ang pagbuhos ng mga biyaya sa kanya.
Sey pa ng binata, hindi raw talaga siya materialistic na tao nang tanungin kung may nairegalo na siya para sa sarili kapalit ng natamong tagumpay mula sa buwis-buhay na pagiging gymnast.
“Siguro nu’ng bata po ako sasakyan. Kaso binigyan na po ako ng Toyota, e. So I don’t have to buy na po,” natawang chika ni Carlos.
“Siguro sa mga gym stuff ko po na kailangang gastusan, du’n po ako magpo-focus. Sobrang bonus na po kasi talaga yung dumadating sa buhay ko.
“Talagang pinakamahalaga sa akin yung gold medal na nakuha ko, e. Bilang bata na nangarap talaga at naabot ang pangarap,” aniya pa.
Samantala, inamin din ni Carlos na talagang ibang-iba na ang mundong kanyang ginagalawan. Hindi pa rin daw siya nasasanay na mas marami na ang nakakakilala sa kanya.
“Yun nga po nakaka-overwhelm. Before naman may mga nagpapa-picture, pero di po kagaya ngayon. Sobrang overwhelming po ng experience na ito para sa akin,” aniya.
Baka Bet Mo: Carlo Aquino hindi nawala ang pagmamahal kay Trina: Nanay siya ng anak ko
“Siguro panibagong step po and another level. Kasi hindi ko naman po talaga mundo ‘to and sports talaga yung alam kong gawin and mag-training nang mga-training.
“But at the same time, feeling ko ito rin po yung puwede kong gawing way para makatulong sa ibang mga tao lalo na sa mga kabataan na nangangarap po,” pagbabahagi pa ng binata.
Kinumpirma rin ni Carlos na pansamantala muna siyang hihinto sa pagte-training upang makapagpahinga nang bonggang-bongga.
“Gusto ko rin po mag-take ng time magpahinga and siyempre planuhin nang maayos kung saan ako sasali na mga competitions. Para makapag-prepare po ako nang maayos and healthy kung maglalaro po ako sa SEA Games.
“May kaunting vacation na mangyayari po sa akin. Very happy and very blessed po. Makakapanood po ako ng Paralympics. First time ko pong makakanood ng ganu’ng event,” dagdag na pahayag ni Caloy.
Nauna rito, inamin ng binata na matitinding challenges din ang kanyang pinagdaanan bago nakamit ang inaasama na tagumpay. Noong nag-training daw siya sa Japan ay inatake siya ng depresyon.
Nahirapan siyang mag-adjust sa training niya sa Japan kay Coach Munehiro Kugimiya, “Sobrang shocked po ako. Mabigat po yun sa mga teenager na kagaya ko that time. And siyempre mahirap din po yung training, iba po yung training sa Pilipinas, and iba po yung naging training ko sa Japan.
“Umabot na din po sa point na na-depress ako and gusto nang mawala sa mundo talaga. Nagdasal po talaga ako that day. Hindi po kasi ako makatulog. And naiisip na mawala talaga,” aniya.
“Nagdasal ako kay Lord hanggang sa nakatulog ako. The next day, medyo um-okay na po. Pero hindi pa rin natatapos talaga yung challenges.
“Nandu’n pa rin yung difficulties. Di talaga maiwasan. Pero may clarity po after ko mag-pray and when I wake up po mas lively na ako ng kaunti.
“Nagpapasalamat din ako kay Lord talaga na binigyan niya ako ng mga taong magmamahal sa akin at susuportahan ako sa mga ganu’ng event sa buhay ko,” pag-alala ni Carlos.