MAY payo ang “It’s Showtime” Miss Q and A Grand Winner at Viva artist na si Juliana Pariscova Segovia kay Diwata na aniya ay hindi naman nagkakalayo ang itsura nila sa isa’t-isa.
Ayon sa video na ipinakita sa “Showbiz Update” vlog nina Ogie Diaz at Mama Loi kasama si Tita Jegs ay dapat ang mga hindi kagandahan ang itsura ay maging mabait sa lahat.
“Paulit-ulit na lang ‘yung isyu na ibinabato kay Diwata na laging masungit, ayaw magpa-picture, laging bad trip.
“Well, Diwata ang maipapayo ko lang sa ‘yo, alam mo nu’ng nagsisimula ako sa industriya ay nakinig din naman ako sa mga beterano, sa mga nauna sa akin at one time nag-guest ako sa ‘Home Sweetie Home’ (sitcom nina Toni Gonzaga at John Lloyd Cruz – 2014) at first time ko ma-meet si Mama Ogie Diaz at isa talaga sa mga tumatak sa akin na pinayo niya, ‘yung mga ganitong klaseng mukha (sabay turo sa mukha niya), ito mismo mga ganitong klaseng mukha dapat lagi ‘yan nakangiti regardless kung ano ang estado sa buhay nu’ng nakakasalamuha natin, nakikilala natin, nakaka-trabaho natin kailangan lagi itong (sabay hawak sa face) nakangiti ‘yung ganitong mukha natin,” bungad ni Juliana.
Baka Bet Mo: Diwata OK lang maliit ang kita sa paresan basta may pangsweldo sa tauhan
Paliwanag niya, “Kasi ‘yung ganitong mukha natin laging nami-misinterpret kung masaya ba tayo o hindi kaya kailangan lagi tayong naka-smile. Kasi kahit deep inside masaya tayo kung hindi naman nagre-react ang mukha mo, hindi ka talaga nila maiintindihan,”
Ang lagi kasing sinasabi ni Diwata ay pagod siya at marami siyang ginagawa kaya hindi siya nakangiti sa mga nagpapa-picture sa kanya bagay na naiintindihan naman ni Juliana.
“Naiintindihan kita na marami kang ginagawa, busy ka, hands-on ka sa negosyo mo, puyat, pagod, stress. Naiintindihan ko lahat ‘yun.
“Base do’n sa video ay nakaupo ka sa isang sulok, so in-assume ko na nagpapahinga ka ng mga oras na ‘yun. Kung gusto mong magpahinga, do’n ka sa lugar na hindi ka maiistorbo, hindi ka maabala.
“Kasi ‘yung pinuwestuhan mo daanan talaga siya ng customer mo at merong makakakita sa ‘yo at may tendency talagang magpa-picture sa ‘yo at kung hindi mo ibibigay sa kanila ‘yung simpleng ngiti, gesture ng pasasalamat (o) na-appreciate mo sila makakasakit ka rin ng damdamin.
“Ibigay mo na sa kanila (nagpapa-picture) ‘yung maliit na bagay na ‘yun. Siguro naman hindi kasing mahal ng pares mo ‘yung ngiti mo, ‘di ba?” magandang payo ni Juliana kay Diwata.
At kahit hindi kakilala ni Diwata si Juliana ay kilala naman siya ng huli dahil pareho pala silang taga-Pasay City.
“Nasubaybayan ko ang ang pagsisimula mo kasi taga-Pasay lang din ako at nakita ko kung gaano karaming taong pumipila sa ‘yo, kung gaano kahabang (pila) ng supporters mo para lang makita ka at matikman ‘yang pares mo (ipinakita ang video na maraming tao).
“At ngayon nakikita ko na hindi na ganu’n karami ang nagpupunta sa ‘yo tulad nu’ng nagsisimula ka na sana ‘yun din ang isipin mo na hanggang ngayon na meron at meron pa ring sumusuporta sa ‘yo at meron pa ring naniniwala sa ‘yo at merong dumadayo mula sa malayong lugar para lang makita ka makapagpa-picture sa ‘yo masuportahan ka sa negosyo mo at matikman ang pares mo, ‘yun na lang ang isipin mo,” dagdag pa ni Juliana.
May ipinakita sa video na pinost ng netizen na wala na halos tao sa paresan ni Diwata dahil daw sa may ere na ito na ‘yung iba nga ay nagpupunta para lang makita at magpa-picture at the same time kakain, pero dahil busy ito sa pamimigay daw ng t-shirt na tila nangangampanya para sa partylist sa palengke.
Nabanggit ding open na ang paresan ni Diwata for franchise ang kaso ay wala nang tao kaya paano pa raw kakagatin ito ng mga gustong mag-franchise?
Kaya muling ipinagdiinan ni Juliana, “kaya ibigay na natin sa kanila (nagpapa-picture) ‘yung bagay na walang bayad.”
Dagdag pa, “Naging tagahanga rin ako at alam ko ang pakiramdam ng nai-isnaban, naiirapan, namamalditahan kaya kailangan friendly ka sa ganyang business. Kung hindi man tumatak ang paresan mo, at least tumatak ka sa tao na ini-entertain mo sila.”