ISA pang rebelasyon ni Sandro Muhlach sa panggagahasa umano sa kanya ng dalawang independent contractors ng GMA ay ang pamamanhid ng kanyang katawan.
Ito ang naramdaman ng Sparkle artist matapos daw siyang painumin ng wine at pasinghutin ng kung ano nina Jojo Nones at Richard Cruz na inireklamo nga niya ng rape through sexual assault at acts of lasciviousness sa Department of Justice (DOJ).
Nagbigay ng ilang detalye ang panganay na anak ni Niño Muhlach sa naganap na Senate hearing kamakalawa sa pangunguna nina Sen. Robin Padilla at Sen. Jinggoy Estrada.
Baka Bet Mo: Niño inilantad ang palitan ng text ni Sandro at ng 2 inireklamong writer
Sabi ni Sandro sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information via video teleconference, hinalay siya sa loob ng isang kuwarto sa hotel na tinutuluyan ng mga akusado.
Dito, kinumpirma ng young actor ang palitan nila ng text message ni Nones kung saan niyaya umano siyang pumunta sa kanyang kuwarto.
Nang makapasok na siya sa hotel room, nakainom na raw sina Nones at Cruz. Kasunod nito, nag-request si Sandro ng executive session sa hearing para sa mga sensitibong pangyayari sa loob ng kuwarto.
After ng executive session, tinanong ni Sen. Jinggoy ang binata kung ano ang naramdaman niya nang painumin umano siya ng wine at may droga pa umanong ipinasinghot sa kanya.
Baka Bet Mo: 2 GMA exec na inakusahan ni Sandro ng sexual abuse umapela sa publiko
“Tuloy-tuloy ang pag-inom mo ng wine hanggat malasing ka. Nanghina ka ba?” pag-uusisa ni Estrada na sinang-ayunan naman ni Sandro.
“Nu’ng pinapasinghot ka nitong dalawa (Nones at Cruz), ano ang nararamdaman mo? Were you high? Nanghina ka ba?”
“Minanhid po ako, your honor,” sagot ng binata.
Tanong uli ni Estrada kay Sandro, nangyari ba ang panghahalay nang humiga na siya sa kama, tugon ng aktor, “Hindi po ako nag lie down. Hinila po ako sa bed.”
Sabi ni Sandro, si Nones umano ang humila sa kanya sa kama.
“That started everything,” muling tanong ni Estrada.
“Yes po, your honor,” ang mabilis namang sagot ni Sandro.
Sa kanya namang social media account, nag-post ang aktor na hindi na siya mananahimik at handa siyang isiwalat ang lahat ng nangyari at ang ginawang pambababoy sa kanya.
“I will not be silenced. The truth will prevail.
“What you did to me, it wrecked me.
“Hirap na hirap ako makatulog since it happened. Anxiety and ptsds (post-traumatic stress disorder syndrome) are hard to beat.
“Everyday akong hina-haunt ng trauma ko.
“Ayokong mangyari sa iba yung ginawa sakin kaya sinabi ko sa kapatid ko na sana wag mangyari sa kanya yung nangyari sa akin kasi hirap na hirap na ko,” aniya pa.
Kasunod nito, muling nabanggit ng anak ni Niño ang bahagi ng statement niya sa pagharap sa pagdinig ng Senado hinggil sa mga kasong isinampa niya laban kina Nones at Cruz.
“Diring-diri pa rin ako sa sarili ko. Napakahirap tanggapin lahat ng ginawa sakin.
“I’m trying my best to be okay para hindi mag-alala yung pamilya ko lalo na yung mommy ko na nasa amerika na araw-araw umiiyak dahil sinisisi niya ang sarili niya na malayo siya at hindi ako naprotektahan. But the truth is hindi ako okay,” pag-amin ni Sandro Muhlach.