HINDI nagli-live in ang celebrity couple na sina Jane Oineza at RK Bagatsing tulad ng iniisip ng ibang tao at ng mga netizens.
Wala naman daw isyu o problema sa magdyowa ang usaping live-in pero parang hindi naman daw nila kailangang mag-live in dahil halos araw-araw din silang magkasama.
Nakachikahan namin sina Jane at RK sa wake ng yumaong Regal Entertainment matriarch na si Mother Lily Monteverde at dito nga nila nabanggit na three years na rin silang magkarelasyon.
Sabi ni Jane, wala pa raw talaga sa top priorities nila ni RK ang pagpapakasal at wala rin silang timeline o target marriage age.
“Hindi ko pini-pressure ‘yung sarili ko ngayon. Wala akong timeline na sinusunod sa ngayon, parang nandito lang ako sa ano, ‘yung kailangan ko ngayon.
“Kung ano ‘yung kailangan ko in the next five years and I believe this is for the purpose of bettering myself, my career, and my loved ones,” pahayag ng aktres.
Pero meron ba siyang dream wedding? “Talagang wala po. Hindi kasi ako ‘yung type na may dream wedding. Kasi napapanood ko ‘yung mga ganu’n sa movies, eh talagang bagets pa lang sila may journal na dapat ng ganito, ganyan.”
Hindi rin daw nagkaroon ng dream debut si Jane, “Ayokong mag-debut. Tapos ‘yung wedding hindi ko rin siya pinaplano pero ang nakakatuwa ‘yung debut ko, tatlong beses ako nag-debut pero wala akong plano mag-debut.”
Sa tanong kung kasal muna bago baby? “Ideally siguro na you want to parang (kasal first before anak) Oo, of course.”
Sabi naman ni RK, “Siyempre doon na ‘yun para siguro kapag nag-set ka na ng priority, okay family na tayo sunud-sunod na. Step by step.”
Pareho raw nag-iipon ngayon sina Jane at RK for their future at napakarami pa raw nilang gustong gawin sa kanilang personal life and showbiz career.
Samantala, bida sina Jane at RK sa Cinemalaya entry na “Love Child”, ang kauna-unahang entry ng Regal Entertainment sa nasabing film festival.
Kwento ito ng magdyowang sina Ayla (Jane) at Paolo (RK) na huminto sa pag-aaral para pagtuunan ng pansin ang hindi planadong pagbubuntis.
After four years, na-diagnose ang kanilang anak na si Kali ng autism. Habang nilalalakbay nila ang mga kumplikasyon ng pagpapalaki ng isang bata na may mga espesyal na pangangailangan, kinakaharap nila ang isang hindi suportadong kapaligiran.
Hinahamon ng kanilang journey ang kanilang relasyon at ang pangarap ng isang kumpleto, maayos na pamilya, na pinipilit nilang makahanap ng lakas at katatagan sa mga pagsubok sa responsibilidad sa anak.
“Binabasa pa lang namin ‘yung script, umiiyak na kami. Ang dami na naming iniyak sa istorya,” ayon kay RK.
Kuwento ni Jane, may mga magulang daw na nagpapasalamat sa kanila dahil sa ginawa nilang pelikula.
“Nu’ng shoot pa lang po nakakatuwa kasi marami rin kaming kasama like ‘yung kids talaga doon sa scene. So, may mga lumalapit na moms.
“Kunwari nu’ng nakaupo lang ako sa labas may lumapit sa akin na, ‘thank you ginawa ninyo itong istorya na ito.’ Thank you dahil parang ilalabas ninyo ito sa iba, maririnig ‘yung story namin.
“Tapos doon pa lang na-touch ako and then ‘yun nga ‘yung sa trailer, sinabi nila na ginamit ‘yun as platform to share their stories,” pahayag pa ng aktres.
Dugtong pa niya, “Saka sa trailer pa lang ‘yung mga comment po nila nakakatuwa kasi ‘yun ‘yung goal po talaga ng movie. ‘Di ba, parang kapag may pinagdaraanan tayo feeling natin nag-iisa tayo.
“So mabasa lang ‘yung comments na ‘yun parang meron na kaagad sense of, in a way parang support system, na meron din palang ibang nakakaramdam,” sey ni RK.
Ang “Love Child” ay isinulat at idinirek ni Jonathan Jurilla mula sa Regal Entertainment ni Roselle Monteverde kasama ang apo ni Mother Lily na si Keith Monteverde.