NAPAKASAKIT ng pag-iyak ni Matet de Leon nang magbigay siya ng mensahe para sa yumaong showbiz icon na si Mother Lily Monteverde.
Isa lamang si Matet sa napakaraming celebrities na personal na nagpunta sa wake ng yumaong Regal Entertainment matriarch upang makasama ito sa huling sandali.
Unang binasa ng aktres ang sulat ng kanyang inang National Artist na si Superstar Nora Aunor na hindi na nakapunta sa lamay dahil sa kasalukuyan pa itong nagpapagaling mula sa iniindang karamdaman.
Narito ang ilang bahagi ng letter ni Ate Guy para kay Mother Lily at sa pamilya nito.
“Gusto ko po sanang iparating ang aking pagdadalamhati at pakikiramay sa mga taong mahal niya sa buhay, na kanyang naiwan.
Baka Bet Mo: Matet sawang-sawa na sa pag-intindi kay Ate Guy: ‘Hindi ko na siya kakausapin ulit, ginawa ko na ang lahat’
“Mother Lily asahan mo po na lagi ka sa puso ko at hindi makakalimutan habangbuhay. Habangbuhay akong tatanaw ng utang na loob sa mga tulong na hindi mo ipinagkait sa akin.
“Ang inyong ala-ala ay nakaukit na sa aking puso. Hindi kailan man mawawala at basta-basta makakalimutan.
“Mahal ko po kayo, Mother Lily. Nais ko po sanang makita ka sa huling sandali. Bagamat hindi ko po kayo madalaw, dahil na rin sa aking karamdaman sa kasalukuyan, ipagdarasal ko po kayo sa para sa mapayapa mong paglalakbay pabalik sa ating mahal na Panginoon,” ang sabi pa ni Ate Guy sa kanyang sulat.
Nagbigay din si Matet ng kanyang mensahe sa iconic film producer kung saan tuluyan na siyang bumigay at tuluy-tuloy ang pagluha.
“Feeling ko hindi lang si Mommy (Nora) ang nag-ampon sa akin, inampon din ako ni Mother Lily. Kaya maraming-maraming salamat Mother. Marami po akong wonderful memories dito sa Regal and with Mother.
“Pahinga na po kayo, pahinga na po. Maraming, maraming salamat. Mahal po namin kayo. Maraming salamat uli sa pagmamahal sa akin at sa Ate ko (Lotlot de Leon).
Sa panayam naman namin sa kanya, sinabi ni Matet na sinend lamang sa kanya ni Ate Guy ang letter na binasa niya sa lamay at hindi pa sila personal na nagkikita.
“Malungkot si Mommy noong nabalitaan niya ang nangyari kay Mother. Mas malalim ang pinagsamahan nila. Lalo na itong Valencia, bahay ni Mommy noon. Tapos nabili ni Mother.
“Malalim na malalim ang pinagsamahan nila,” sey ni Matet na emosyonal pa rin sa pagbabahagi ng mga memories nila ni Mother Lily.
Proud Regal Baby din si Matet dahil hindi na nga niya mabilang ang mga pelikulang nagawa niya sa Regal Films kung saan siya nagsimula.
Nu’ng dumalaw kami sa burol ni Mother Lily, bukod kay Matet ay naroon din sina Vilma Santos, Tirso Cruz III, Dingdong Dantes, Marian Rivera, Maricel Soriano, Aga Muhlach, Janice de Belen, Richard Gomez, Jane Oineza, RK Bagatsing, Ricky Davao at Patricia Javier.