HINDI pa rin daw makapaniwala ang two-time Olympic champion na si Carlos Yulo sa nakamit niyang tagumpay at karangalan sa 2024 Paris Olympics.
Ito ang inamin mismo ng Olympian nang makapanayam siya ng “24 Oras” noong August 8.
“Apat na araw na nga po ang nakalipas, hindi pa rin po nagsi-sync in sakin na naka-gold po ako and dalawa pa po,” sey niya.
Lubos daw ang pasasalamat niya dahil hindi niya raw makukuha ang gold medal kung hindi dahil sa mga tumulong, gumabay at sumuporta sa kanya.
“Maraming tao po ang tumulong sa akin kaya maraming, maraming salamat po talaga…Grabe po ang suporta na ibinigay nila sa amin. Sa training camps po na prinovide samin…grabe malaking tulong ‘yun and challenging po ‘yun para sa aming lahat and mas naka-adapt po kami dito sa Paris,” wika niya.
Baka Bet Mo: Hugot ng tatay ni Carlos Yulo: Magulo pala ‘pag marami kang pera
Sobrang happy din ni Carlos dahil natupad na niya ang “ultimate goal” niya sa buhay.
“Ito na po ‘yung ultimate goal ko, grabe! Wala na po akong hihilinging iba pa ngayon,” saad niya sa interview.
Patuloy niya, “Sobrang grateful po ako kay Lord na narinig niya po ako and hindi niya ako pinabayaan sa lahat ng mga challenges na binigay niya sakin, nag-grow po ako. Really grateful po ako na hindi ako sumuko.”
Kasunod niyan, ibinunyag din ni Carlos na itutuloy pa rin niya ang training sa gymnastics dahil sasali rin daw siya sa susunod na LA Olympics na gaganapin sa taong 2028.
“May mga next pa po, hindi pa po ako titigil. And siyempre, gusto ko pa po mag-Olympics sa 2028 po sa LA (Los Angeles),” dagdag niya.
Pangako pa ng Olympic Hero, “I’ll do my best po sa lahat ng training ko po and lahat ng challenges pa po next.”
Nang tanungin naman siya kung ano ang plano niya sa “blessings” na ibinigay sa kanya.
Kung hindi kami nagkakamali, aabot na sa P60 million ang halaga ng cash at property incentives ang matatanggap ni Carlos dahil sa tagumpay na naabot niya sa Paris Olympics.
Ang sagot niya riyan, “May team na po akong magha-handle diyan, so okay na po lahat.”