MAY kumampi pero meron ding nam-bash kay Niño Muhlach sa pagharap nito sa Senate hearing kaugnay ng sexual abuse case na isinampa ni Sandro Muhlach laban sa dalawang independent contractors ng GMA 7.
Hati ang reaksyon ng mga netizens sa isinagawang public hearing ng Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Sen. Robin Padilla kahapon, August 7.
Bukod kay Robin, naroon din sa hearing sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla. “Policies of Television Networks and Artist Management Agencies in Relation to Complaints of Abuse and Harassment” ang naging main issue sa pagdinig.
Baka Bet Mo: 2 GMA contractor na inireklamo ni Sandro ‘di dadalo sa hearing ni Robin
Hindi naman dumalo sa hearing ang GMA “independent contractors” na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz na inirereklamo ni Sandro ng panghahalay ay pang-aabuso.
Sa simula ng pagdinig ay nakokontrol pa ni Niño ang sarili na maging emosyonal pero bumigay din siya nang ibahagi na niya kung gaano katinding trauma ang naramdaman ng anak matapos ang insidente.
Sabi ng aktor at negosyante, “Bilang ama, I may have not been a good husband, I may not have tried my best to be a good husband, but I could proudly say that I did my best to be a good father.
“Sa abot ng aking makakaya, yung mga anak namin, tinuruan naming maging magalang, maging marespeto.
“Si Sandro, nu’ng nagsabi siya sa akin na gusto niya mag-artista, sabi ko, ‘Sige, pero hindi kita tutulungan,'” aniya.
Never daw siyang tumawag o nakipag-usap sa mga kakilala niya sa showbiz para ipasok si Sandro sa showbiz. Talagang kinakarir daw ng binata ang pag-o-audition.
Sa katunayan, na-shock nga raw siya nang ibalita sa kanya ng anak na natanggap siya sa Sparkle GMA Artist Center.
“Nagulat na lang ako isang araw, biglang sinabi niya, ‘Pa, natanggap ako ng Sparkle.’ Nakuha siya ng Sparkle. So, proud naman ako na pinagdaanan niya yung ganu’n,” sabi pa ng dating Child Wonder.
Bilib din daw siya sa kababaang loob ng anak kahit pa nga galing siya sa showbiz clan, “Kahit na may kotse siya, kapag may taping siya, sumasabay siya sa service para walang special treatment, ganoon kababa ang loob ni Sandro.
“Very meek, very tahimik, at sobrang mahal niya talaga yung trabaho niya. Kaya talagang ako’y nasaktan nung kinuwento niya sa akin yung nangyari.
“Kasi, para makita mo yung anak mo na nanginginig at halos hindi niya mahawakan yung telepono niya.
“Nu’ng ikinukuwento niya sa akin, yung ginawa sa kanya, lalo na si Jojo Nones, katrabaho namin siya sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (comedy show ng GMA na pinagbidahan nina Bong Revilla at Beauty Gonzalez).
“Siya po yung headwriter namin. At sobrang galang ko sa kanya, sobrang respeto ko sa kanya. Kaya di ko talaga matanggap na nagawa niya sa anak ko. Yung isa naman, di ko naman siya kilala, e,” ani Niño na ang tinutukoy ay si Dode Cruz.
Kuwento pa ng aktor, unang sinabihan ni Sandro ang nakababatang kapatid na si Alonzo. Sabi raw ng Kapuso youngstar sa kanyang utol, “Bro, sana huwag mangyari sa inyo yung nangyari sa akin.”
Patuloy pang himutok ni Niño, “Nakakasama lang talaga ng loob. Kung kaya nilang gawin sa… hindi ko naman po binubuhat yung aking bangko, pero sa isang pamilya talaga na malaki na ang kontribusyon sa industriyang ito. What more sa iba? What more sa mga baguhan?
“Di ko naman sinasabi talaga na may ginawan sila na iba, pero di po ba, kung nakaya nilang gawin sa isang pamilya na may pundasyon na sa industriyang ito, what more sa iba?”
“Tapos ngayon, binabaliktad pa nila yung sitwasyon. Hindi ko sinabing GMA, ha. Binabaligtad nina Jojo at Richard yung nangyari sa mga comments nila, sa mga press release nila.
“Nakakasama lang ng loob na kung sino pa yung may sala, yan pa yung nagagawang magbaligtad na istorya.
“Kahit sino naman sigurong ama or magulang, ganito rin ang mararamdaman para kay Sandro. Ngayon po, right now, he’s undergoing counselling.
“Hindi po nabanggit ng NBI (National Bureau of Investigation) pero nandu’n po si Sandro ngayon sa NBI, sa Behavioral Science. Right now, he’s undergoing counselling,” dagdag pa niya.
Samantala, tumaas naman ang blood pressure ni Niño pagkatapos niyang magsalita kaya naglapitan agad sa kanya ang ilang medics para kunan siya ng BP.
Ayon naman sa mga nabasa naming komento ng netizens, umabot daw sa Senado ang kaso ng anak ni Niño dahil sa koneksyon daw nito sa mga senador na nasa showbiz din.
Sey ng iba, mas marami pa raw mahahalagang isyu sa Pilipinas kesa sa nangyari kay Sandro at sayang lang daw ang pera ng gobyerno sa nasabing hearing.