3 child-friendly show ng NCCT babandera sa Knowledge Channel 

3 child-friendly show ng NCCT babandera sa Knowledge Channel 

MAS marami pang educational at child-friendly shows ang mapapanood sa telebisyon dahil sa pagsasanib-pwersa ng Knowledge Channel at National Council for Children’s Television (NCCT).

Tatlong child-friendly at parent-approved na programa ang napapanood na ngayon sa Knowledge Channel na nagsimula nitong August 5.

Sa ilalim ng Makabata Block ng Knowledge Channel at NCCT, ang “DokyuBata TV,” “NCCT Originals,” at “Buhay na Buhay” ay tutulong sa paglinang ng mga pagpapahalagang Pilipino, kamalayang panlipunan, at kaalaman sa kultura ng mga kabataang Pilipino.

Baka Bet Mo: Zoren hindi pa handang magkadyowa sina Cassy at Mavy: Kailangan baguhin mo ‘yung kultura

Sa “DokyuBata TV,” masisilayan ang piling entries mula sa taunang patimpalak sa documentary filmmaking ng NCCT.

Layunin nito na bigyan ng plataporma ang mga aspiring young documentarists na ipakita at ibahagi sa publiko ang kanilang angking talento. Mapapanood ito simula Agosto 5.


Isa pang documentary series sa Makabata block ay ang “Buhay na Buhay,” isang eight-part documentary series tampok ang mayamang cultural heritage ng Pilipinas batay sa konsepto ni Propesor Felipe de Leon ng walong buhay na kultura.

Ang bawat episode ay nagsisiyasat ng isang partikular na aspeto ng kultura, na nag-aalok ng sari-saring pagtingin sa cultural landscape na tumutukoy sa pagkakakilanlan ng Pilipino at ang mga ugat nito sa kasaysayan.

Ang “Buhay na Buhay” ay pangungunahan ni Sen. Loren Legarda, isang kilalang tagapagtanggol ng kultura at kapaligiran, at mapapanood simula August 26.

Samantala, ang “NCCT Originals” ay mayroong apat na programa na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng kapaligiran, ating kultura at pagpapahalaga, komunidad, at pagmumuni-muni.

Kabilang sa “NCCT Originals” ang mga sumusunod na palabas: “Mga Awit ni Pina,” na binigyang-buhay muli ang “Alamat ng Pinya,” sa pamamagitan ng pagtuon sa pagkamausisa ni Pina sa kanyang kapaligiran; “Meriam’s Online World,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng media literacy sa ating digital na mundo ngayon; “Wellness’kada,” isang palabas na itinakda noong panahon ng pandemya na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng komunidad at pagmumuni-muni; at “Mang Lalakbay,” isang palabas pang-edukasyon tungkol sa paglalakbay na nagpapakita ng mga likas at gawa ng tao na mga kababalaghan ng bansa.

Baka Bet Mo: Celebs, Influencers kanya-kanyang gimik sa ‘Piliin Mo Ang Pilipinas’ trend

Ang “NCCT Originals” ay magsisimula sa August 10 kasama ang “Mga Awit ni Pina”, susundan ng “Wellness’kada” sa August 18, Meriam’s Online World sa August 31, at Mang Lalakbay sa September 7.


Ang Makabata Blocks ay mapapanood ng pitong beses sa isang linggo sa ganap na 9 a.m. na may replay sa ganap na 9 p.m.. Ang DokyuBata TV at Buhay na Buhay ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes, habang ang NCCT Originals ay mapapanood tuwing Sabado at Linggo.

Available ang Knowledge Channel sa cable sa pamamagitan ng aming mga partner cable operators. Available din ito sa pamamagitan ng direct-to-home satellite (DTH), Digital Terrestrial TV (DTT) gamit ang DTT box, at iWantTFC para sa online streaming.

Ayon kay Dr. Luis Gatmaitan, Child Development Sector chairperson ng NCCT, pinag-aralan nilang mabuti kung paano makakasabay ang mga shows sa hamon ng short attention span ng kabataan. Halo-halo rin ang henerasyon na bahagi ng mga produksyon ng programa at mayroon ding millenial at Gen Z.

“Lagi silang (mga bata) naghahanap ng content na makabata. Kung mayroon man, galing sa abroad puro foreign ‘di ba, canned shows. Itong mga palabas sa Makabata Block na spefically directed to the Filipino children.

“Talagang ginawa ‘yung mga palabas ng writers, producers, directors na bata ang iniisip ng audience kaya nakakasiguro tayo na ang sensitivity ng mapapanuod ay makabata,” ani Gatmaitan.

Para naman kay Rina Lopez, presidente at executive director ng Knowledge Channel Foundation Inc., siguradong  magugustuhan ng mga bata ang educational at entertaining shows na kanilang handog.

“We do studies, we do focus group discussions, pre-test, post test — various studies to ensure that these shows are good for kids and will really resonate with them. The shows that we provide are (made) with our care for them,” sabi ni Lopez.

Read more...