Shooting ng KathDen movie sa Canada napilitang lumipat dahil sa fans
FOLLOW-UP ito sa nasulat namin dito sa BANDERA kahapon tungkol sa malaking problema ng production people sa shooting ng “Hello, Love, Again” sa Canada.
Napakarami kasing nagpupuntang supporters nina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa location kaya nadi-delay ang kanilang shooting.
Kuwento ng aming kaibigan sa Canada na kahit wala siya sa location ay nakakarating sa kanya ang nangyayari dahil sa mga kapitbahay niyang tuwang-tuwang nagkukuwento.
Nabanggit sa ulat ni Nanay Cristy Fermin sa programa nila ni Romel Chika na “Cristy Ferminute” kahapon (napakinggan sa 92.3 Radyo 5 TRUE FM) na pinagsabihan ang mga kababayang Pinoy na huwag mag-ingay dahil baka magalit ang mga residente ng Bridlewood, Calgary at puwedeng ireklamo ang mga nagsu-shoot at posibleng mapaalis pa sila.
View this post on Instagram
Ang update na tsika sa amin, “Nagdagsaan na naman ang mga Pinoy mula sa ibang lugar na sinabihan ng mga kapitbahay namin, tumawag na ng police kasi naiistorbo na ang shooting, eh.”
May tinapos lang daw na eksena si Direk Cathy Garcia-Sampana at sabay pack-up na ang buong prod.
Ang siste pala ay lumipat na sila ng location at hindi na alam ng mga kababayang Pinoy dahil nagbilin sa lahat na walang magpo-post sa social media kung nasaan na sila para naman magdire-diretso ang shooting.
Nabanggit pa na noong Biyernes, July 26 nagsimulang gumiling ang kamera ni direk Cathy kahit wala si Alden na nahuli ng dating sa Canada dahil may mga commitments pang dapat niyang tapusin dito sa Pilipinas.
Aabutin pala ng isang buwan ang KathDen sa Calgary kaya matagal-tagal din ang bonding moments at pagkikita ng dalawa.
Baka Bet Mo: Daniel malutong na nagmura habang kumakanta, apektado sa KathDen?
Tsika naman ng isa pang kaibigan namin ay pawang bahay ng mga Pinoy ang pinagsusyutingan nina Kathryn at Alden kaya ang iba ay may cameo role o nadaanan ng camera bilang owner ng bahay kung saan doon nanunuluyan ang aktres sa kuwento.
View this post on Instagram
Samantala, natanong namin sa aming kausap kung nag-rent ba ng isa o dalawang buong bahay para sa mga staff and crew at para rin sa mga artistang kasama sa movie.
“Naku hindi, naka-hotel sila,” kaswal na banggit ng aming kaibigan.
Dagdag pa niya, “Medyo mahal nga kasi summer ngayon dito.”
Nakakaaliw dahil walang tigil ang mga nagpo-post ng KathDen shootings dahil kanya-kanyang update sa kanilang social media para naman sa mga kaibigan nilang wala sa nasabing lugar.
E, paano na, nagbago na ng location na medyo malayo na raw, ang tanong hindi ba ito maaamoy ng mga kababayan nating Marites doon?
Abangan natin ang latest!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.