Lalaki nilingkis ng sawa habang nasa talahiban, pumulupot sa leeg

Lalaki nilingkis ng sawa habang nasa talahiban, pumulupot sa leeg

NALAGAY sa panganib ang isang lalaking nilingkis ng sawa nang magtungo sa talahiban para sa “tawag ng kalikasan”.

Nangyari ito sa Jabalpur sa Madhya Pradesh sa India kung saan isang sawa na sinasabing aabot sa 13 talampakan ang haba ang biglang umatake sa lalaking biktima.

Ayon sa report ng GMA, nagpunta sa isang bahagi ng talahiban sa Jabalpur ang lalaki para “magbawas” nang biglang tumambad sa kanya ang napakahabang sawa.

Baka Bet Mo: Rabiya Mateo tuloy ang laban para sa kalikasan: ‘Sana grade school pa lang, alam na ng mga bata ‘yung problema, yung kailangang pagbabago’

Sa video na napanood namin, inabutan ng mga taong sumaklolo ang biktima na nakaupo at nakababa ang suot na pantalon. Makikitang nakapulupot na ang sawa sa kanyang leeg.

Takot na takot siyempre ang lalaki habang naghihintay sa magiging hakbang ng mga nakakita sa kanyang sitwasyon.

Tinangkang tanggalin ng mga kasamahan ng biktima ang sawa sa kanyang katawan sa pamamagitan ng pananakot dito.

Pilit din nilang alisin ang ahas sa pamamagitan ng pagsungkit dito ng kahoy ngunit sa halip na pakawalan ang biktima ay mas lalo pa raw humigpit ang pagkakapalupot nito.

Dito na napilitan ang mga sumaklolo na patayin ang sawa. Sa kabutihang-palad nakaligtas ang lalaki sa tiyak na kamatayan.

Sinasabing walang dalang kamandag ang mga sawa, pero posible pa ring mamatay ang sinumang mabibiktima nito kapag pumulupot at nilingkis na siya.

Read more...