CinePanalo 2025 aarangkada na; P3-M grant para sa 7 maswerteng direktor

CinePanalo 2025 mas pinabongga; P3-M grant para sa 7 direktor

Chris Cahilig at Ivy Piedad kasama ang mga student filmmakers ng CinePanalo 2024

MAS pinabongga pa ang magaganap na CinePanalo Film Festival 2025 dahil sa mga exciting at kaabang-abang na pagbabago para sa lahat ng mga kalahok.

Dahil sa tagumpay ng unang Puregold CinePanalo filmfest ngayong taon, sisiguruhin ng mga organizer nito sa pangunguna ng festival director na si Chris Cahilig na mas magiging makasaysayan ang ikalawang edisyon next year.

Ayon kay Direk Chris, mas malaki at mas malawak na ngayon ang magiging platform ng mga amateur at professional filmmaker para ipakita ang kanilang galing, creativity at dedikasyon sa kanilang craft and passion.

Baka Bet Mo: CinePanalo Filmfest, MOWELFUND sanib-pwersa para sa pelikulang Pilipino

Sa presscon para sa launching ng 2nd CinePanalo nitong nagdaang July 23 na ginanap sa sa Gateway Cineplex 18, nakasama nina Direk Chris ang mga estudyanteng direktor na nakilahok sa unang edisyon at nagbahagi ng kanilang naging experience.

Itinuturing ng Puregold ang tagumpay ng inaugural run ng festival bilang isang launching pad para matulungan ang movie industry na itaas pa ang kalidada ng mga pelikula sa bansa.

Ang bersyon ngayong taon ng CinePanalo ay mas pinataas ang funding pool para sa mga piling filmmaker — makakatanggap ang pitong full-length director ng production grant worth P3 million habang 25 student short film director naman ang tatanggap ng production grant na P150,000.


Tulad ngayong taon, ang Puregold CinePanalo 2025 ay naghahanap ng mga pelikulang nagpapakita ng kahusayan at kasipagan ng Filipino sa pamamagitan ng inspiring “panalo stories.”

Sa mga interesadong sumali kailangan lamang na magsumite ng kumpletong screenplay bukod sa iba pang mga requirements sa July 30 para sa full-length na pelikula at sa August 15 naman para sa shorts ng mga estudyante.

Present sa launching si Always Panalo Film awardee Carlo Obispo. Nagpadala rin ng espesyal na mensahe ng video ang Best Picture winner na si Kurt Soberano, ng katatapos lang na re-screen na “Under A Piaya Moon”, para hikayatin ang mga filmmaker na isumite ang kanilang mga panalo stories.

Naroon din sina MOWELFUND director Ricky Orellana, at ang bagong festival partner na si CMB big boss Jim Baltazar.

Bukod sa mga mensahe mula sa mga full-length directors, apat na estudyante rin ang present sa event para ibahagi ang kanilang karanasan at natutunan sa CinePanalo sa mga young aspiring filmmakers.

Baka Bet Mo: CinePanalo Film Festival hangad na magbigay oportunidad sa mga filmakers

Dumalo rin sina Always Panalo Film awardee Jenievive Adame, Best Director winner Dizelle Masilungan, at regional filmmakers na sina Marian Jayce Tiongzon at Joanah Demonteverde.

Present din sa mediacon si Puregold Senior Marketing Manager Ivy Piedad, na naghayag ng kahalagahan ng pagbibigay ng pabuya sa kasiningang Filipino at pagdiriwang ng diwa ng Kwentong Panalo ng Buhay.


Aniya, mas napagtanto nila ang kahalagahan ng pagbibigay pagkakataon sa mga mag-aaral na gumagawa ng pelikula na walang sapat na mapagkukunan ng pondo sa paggawa ng pelikula tulad ng ginagawa ng mga kilala nang direktor.

“Noong una naming inilunsad ang Puregold CinePanalo, naisip namin na i-champion ang mga kuwentong Filipino, itaguyod ang mga mag-aaral na gumagawa ng pelikula sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng plataporma para sa kanilang mga pangarap na maikling pelikula, at iangat ang eksena sa lokal na pelikula,” ani Piedad.

Binanggit pa niya kung paano naging instrumento ang CinePanalo sa pagbibigay-liwanag sa mga talento ng ilang kabataan, aspiring filmmakers, na ang ilan sa kanila ay ginamit ang momentum mula sa kumpetisyon upang higit pang paigtingin ang kanilang passion.

“Nakita namin ang pagsilang ng mga promising talents, na may ilang inspiring story na nabuhay sa big screen. Dahil sa tagumpay ng nakaraang edisyon, narito na naman tayo.

“Bumalik at mas malaki kaysa dati, handang ipagdiwang ang isa pang taon ng hindi kapani-paniwalang mga pelikula at markahan ang ikalawang kabanata ng Puregold CinePanalo,” sabi pa ni Piedad.

Kaya naman muling hinihikayat ang lahat ng interesadong filmmakers na basahin ang lahat ng mechanics ng 2025 Puregold CinePanalo Festival na publicly available sa official social media accounts ng Puregold.

Sa mga nagnanais sumali, magsumite lamang ng kanilang mga opisyal na aplikasyon sa https://forms.gle/wNUUQ62okYcyW5r37.

Read more...