HINDI rin nakaligtas ang “Pinoy Big Brother” house na matatagpuan sa Quezon City sa matinding hagupit ng bagyong Carina.
Dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan nitong nagdaang dalawang araw ay nilamon ng tubig-baha ang ilang kabahayan at lansangan sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at ilang probinsya sa Luzon.
Isa sa mga lumubog na lugar sa National Capital Region ay ang Quezon City dahil sa malawakang pagbaha, at kabilang na nga sa inabot ng tubig ay ang Bahay ni Kuya na matatagpuan malapit sa ABS-CBN building.
Baka Bet Mo: Trabaho sa gobyerno, klase sa NCR suspendido dahil kay ‘Carina’
Sa isang video na in-upload sa X (dating Twitter) napanood namin ang pagpasok ng tubig-baha sa ilang bahagi ng “PBB” house partikular na sa bedroom ng mga male housemates at sa garden area.
Ayon sa Business Unit Head ng “PBB” na si Alex Asuncion, ligtas at nasa maayos na kalagayan naman ang mga housemates pati na rin ang lahat ng staff ng programa.
Baka Bet Mo: Bahay ni Sunshine Guimary sa Cebu hindi pinalagpas ng bagyong Odette
“Malakas talaga si Bagyong Carina so may ilang piling areas na pinasok ng tubig nung kasagsagan ng malakas na ulan kasama na ang kwarto ng housemates,” ang pagbabahagi ni Asuncion sa ulat ng ABS-CBN.
Dagdag pa ng TV executive, “Hindi naman tumaas pa yung tubig. Managed na. Ligtas naman at malayo sa peligro ang housemates and staff na nasa Bahay ni Kuya ngayon.”
Humupa naman daw agad ang pagbaha sa loob ng Bahay ni Kuya.
Ipinagdarasal din ng buong “PBB” production ang kaligtasan ng sambayanang Filipino sa panibagong pagsubok na ito sa bansa, lalo na ang mga naapektuhan ng kalamidad.
“Nakikiisa ang housemates at PBB staff sa pagdadasal para sa mga nasalanta at naapektuhan ng Bagyong Carina,” pahayag pa ni Asuncion.