Guro nangutang para sa ama: Parang ang laki ng kasalanan ko…

Guro nangutang para sa ama: Parang ang laki ng kasalanan ko...

Joemar Abayon Develos

MAGKAKAIBA ang naging reaksyon ng netizens sa kuwento ng isang public school teacher tungkol sa kanyang pagiging breadwinner at sa pagtrato niya sa amang tricycle driver.

Pinatunayan ng isang nagngangalang Joemar Abayon Develos na hindi matitiis ng isang anak ang kanyang mga magulang lalo kapag nangailangan na ang mga ito.

Napanood namin ang TikTok video ni Joemar, isang 26-years old na guro sa isang pampublikong paaralan, kung saan naibahagi niya ang naging usapan nila ng kanyang tatay na nanghingi ng pera sa kanya para magpa-renew ng driver’s license.

Baka Bet Mo: Breadwinner gustong hiwalayan ng dyowa, di maibigay ang dream wedding

Pero ayon kay Joemar, walang-wala raw siyang pera nu’ng araw na iyon kaya nakapagsalita siya ng hindi maganda sa kanyang tatay.

“Kukuha si papa ng lisensya niya. Humirit siya sa akin ng P1K sabi ko, sige po. Gumising ako ng 3 a.m.

“Nakita ko gising na siya then sabi niya P2K daw pala need niya. Dahil puyat ako, napagsalitaan ko si papa na, ‘Pa, ako na ba lahat? Ako na sasagot tuition ni pangga (bunso naming nursing student) mahigit P30K tapos pati lisensya ba naman akin?’” simulang pagbabahagi ni Joemar.

Patuloy pa niya, “After ko sabihin ‘yun, humiga si papa then nagtaklob siya ng kumot at natulog ulit. Alam kong nasaktan ko siya.

“Bago ako umalis, chinat ko si JR na kaibigan ko kasi wala akong pera. Nangutang ako kahit sobrang aga kasi hindi ko pala kayang tiisin tatay ko.

“Naisip ko bigla na ito nga pala ‘yung hiniling ko noon na ibigay lahat ng mga gusto ng magulang ko. Sobrang iyak ko after ko ibigay kay papa ang P2K na kailangan niya.

“Bilang anak, mahirap na inaasahan ka ng lahat. Parang ang laki ng kasalanan ko kapag may hiningi sila tapos hindi ko mabigay,” pagbabahagi pa ni Joemar na magma-masteral din ngayon kaya medyo kinakapos din siya sa budget.

Ayon sa binata, tuwang-tuwa raw ang kanyang ama nang maibigay na niya ang parang pang-renew ng lisensiya. Ang kanyang nanay naman ay nagtitinda ng almusal at tatlong kapatid din daw niya ang nag-aaral sa kolehiyo.

Baka Bet Mo: Kim Chiu hindi pinilit na maging breadwinner ng pamilya: Wala naman akong bisyo, kaya para saan ang pera na ibinigay sa akin?

Ito naman ang message ni Joemar para sa lahat ng breadwinner, “Ang buhay ay maraming gustong ibato sa atin lalo na kapag tayo ay isang breadwinner sa pamilya. Maraming sakripisyo, paghihirap, at paglaban. Bilog ang kapalaran natin huwag po tayong mawawalan ng pag-asa.

“Sa mga katulad ko, itaas lang natin ito palagi sa Panginoon kasi ang katotohanan, hindi natin ito kaya mag-isa. Darating din ang araw na aanihin natin ang lahat ng kabutihan itinanim at dinilig natin sa ating mga magulang! Laban mga mandirigma ng pamilya,” sabi pa niya.

Samantala, kung maraming na-touch at na-inspire sa post ni Joemar, meron ding nam-bash at nang-okray sa kanya. Kaya naman sa isang Facebook post, nilinaw niya ang pangyayari.

“May mga tao talagang huhusgahan ka kasi hindi ka kilala . Para lang po sa kalinawan ng lahat hindi po ako nagalit kay Papa at hindi po ako nagtaas ng boses sa kanya pero nakapagsalita ako pero walang layunin na saktan siya. (Nagsabi lang ng nararamdaman).

“Gaya nga ng sabi ko sa post bilang anak ang hirap talaga na hindi naibibigay mga gusto o pangangailangan ng magulang.

“Lumaki ako na nakikita ang paghihirap ng tricycle driver na tatay ko at si mama na nagbubukid noon, nagbabalat ng bawang sibuyas at ngayon ay nagtitinda. Nakilos po ang magulang ko katuwang ko.

“Alam yan ng lahat ng mga nakakakilala sa pamilya ko. Sobrang bigat lang talaga na kaakibat ng mga sakripisyo at paghihirap nila ay may mga pagkakataon na kapag nahingi sila ay hindi ko maibigay.

“Isa lang tong representasyon na ang mga breadwinner ay nabibigatan man ay lalaban pa rin at magsisikap para sa pamilya. God bless po sa lahat.”

Read more...