POSIBLE kayang nilisan na ni suspended Bamban Mayor Alice Guo ang ating bansa gamit ang kanyang Chinese Passport?
Ito ang naging concern ni Senador Sherwin Gatchalian na ibinandera sa Radyo 630 kamakailan lang.
Sey niya, “Sa mga information namin sa Bureau of Immigration ay nandito pa siya dahil chineck namin kung si Guo Hua Ping ay umalis na ng Pilipinas, wala naman silang nakitang ganun na record so far.”
“So kung dadaan siya sa ating mga airport, at dadaan siya sa seaport, made-detect siya. Pero alam naman natin na meron pang ibang paraan para makatakas,” saad pa niya.
Magugunitang kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Alice din mismo ang may Chinese passport holder na Guo Hua Ping.
Baka Bet Mo: Alice Guo, 7 iba pa pinaaaresto ng Senado: ‘Magpakita na kayo’
Noong nakaraang buwan lamang, natuklasan ni Gatchalian na parehong ginagamit ng alkalde ang kanyang Chinese at Philippine passports mula noong 2008 hanggang 2011.
At sa pagkakataong ito, naniniwala ang senador na ginagamit pa rin ng suspended mayor ang kanyang Chinese passport.
“Ako kasi naniniwala ako na ‘yung kanyang Chinese passport, nandyan pa e,” sambit ni Gatchalian.
Dagdag pa niya, “Naniniwala ako na meron siyang Filipino passport, na meron siyang Chinese passport. Baka lang ginamit niya ‘yung kanyang Chinese passport para makaalis.”
Ngunit ilang beses nang sinabi ng abogado ni Guo na si Stephen David na nananatili pa rin dito sa ating bansa ang mayor.
Maaalala noong July 13 nang mag-isyu ng arrest order ang Senado laban kay Guo at sa pitong iba pang sangkot matapos hindi dumalo sa mga nakaraang hearing.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa Tarlac town mayor matapos matuklasan ang ilang ebidensya na nali-link sa kanya sa ni-raid na Philippine offshore gaming operator sa bayan ng Bamban.