Boy Dila at binasa niyang rider sa San Juan Festival nagkabati na
PERSONAL na nagkaharap si Lexter Castro na nag-viral online bilang si Boy Dila at ang rider na kanyang binasa sa pamamagitan ng water gun sa ginanap na Wattah Wattah Festival kamakailan.
Nitong Biyernes, July 5, nag-post si San Juan City Mayor Francis Zamora kung saan ibinahagi nitong humingi na raw ng tawad ang binata sa naturang rider.
Sa katunayan, nagpunta raw ang rider sa kanilang opisina noong Huwebes at doon sila nagkita ni Boy Dila.
Baka Bet Mo: Boy Dila na nambasa ng rider nag-sorry; pinagbabantaan ang buhay
“Kahapon, pumunta na po si manong rider sa aming tanggapan at ngayon araw po ay nakapagharap na sila ni Lexter sa ating opisina,” pagbabahagi ng alkalde.
Dagdag nito, “Humingi si Lexter ng paumanhin kay manong rider at hinandugan niya ito ng helmet at kapote.Tinanggap ni manong rider ang paumanhin at pinatawad niya si Lexter sa mga nagawa nito sa kanya.”
Hangad ni Mayor Zamora na sana ay magsilbing aral para sa lahat ang nangyari at huwag kalimutan ang pagbibigay respeto sa ibang tao.
“Nawa’y magsilbing leksyon ito sa ating lahat na parati tayong dapat magbigay ng respeto sa kapwa at huwag tayong gumawa ng anumang bagay na maaaring makasakit sa ibang tao, pisikal man o emosyonal,” sabi pa ni Mayor Zamora.
Matatandaang naging kontrobersyal ang nagdaang Wattah Wattah Festival matapos itong ireklamo ng mga netizens ang naging abala na dulot nito dahil sa walang habas na pamamasa ng mga residente ng San Juan sa lahat ng mga dumaan sa naturang lugar.
Naglabas naman ng public apology si Boy Dila kaugnay sa kanyang mga naging aksyon sa naganap na festival at nangakong hindi na ito mauulit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.