ISANG sanggol ang ninakaw ng doktor mula sa ospital matapos sabihin sa mga magulang nito na namatay ang kanilang anak.
Iyan ang plot twist sa isang mala-teleseryeng life story ng isang lalaki mula sa China na nawalay sa kanyang ama’t ina mula pa noong is ilang siya.
Ang naturang lalaki na kinilalang si Zhang Huaiyuan, na 33-years-old na ngayon, ay balitang ninakaw ng doktor na nagpaanak sa nanay nitong si Mrs. Li at dinala sa mag-asawang hindi magkaanak.
Base sa ulat ng GMA Newsfeed, naging mahirap at masalimuot ang naging buhay ni Zhang sa kinagisnang pamilya hanggang sa madiskubre niya na ang tunay pala niyang mga magulang ay mga milyonaryo.
Baka Bet Mo: Richard Gomez ‘wais’ din sa pera, naging milyonaryo sa edad na 20
Ayon sa ulat, anim na buwan pa lang buntis si Mrs. Li ay dinala na agad siya sa isang ospital sa Zheijang, China at sinabihang mukhang manganganak na siya.
Ayon sa doktor, dahil kulang sa buwan ang sanggol ay hindi raw ito nabuhay pero sabi ng tatay ni Zhang, hindi nila nakita ang kanilang “namatay” na anak.
Wala rin daw kamalay-malay si Mrs. Li sa mga nangyari dahil nasa ilalim pa siya noong panahon yun ng general anaesthesia.
At makalipas nga ang mahabang panahon, nalaman nilang buhay ang kanilang anak na ibinigay pala ng doktor sa kanyang kamag-anak na hirap magkaroon ng anak.
Nabatid na hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Zhang at naging mahirap ang buhay sa itinuring na mga magulang.
Nalaman ni Zhang ang katotohanan nang mamatay ang kinagisnang tatay at aminin ng kinilala niyang nanay ang lahat ng nangyari.
Sa pakikipagtulungan ng mga otoridad, nahanap nga ni Zhang ang tunay niyang mga magulang na super rich pala. Base sa DNA result, kumpirmadong anak nga ng mag-asawang milyonaryo si Zhang.
Baka Bet Mo: Neri ipinakilala ang baby girl nila ni Chito: Grabe ang pagiging tsismosa ng ibang tao, nagawan agad ng kwento…
Isang bonggang welcome party ang naganap sa muling pagtatagpo ni Zhang at ng kanyang parents kasabay ng pagreregalo sa kanya ng CNY 1.2 million o mahigit P9.7 million.
“From this year on, our family will finally celebrate it together,” pahayag ng ama ni Zhang.
Hindi naman nabanggit sa ulat kung kinasuhan ba ng pamilya ni Zhang ang doktor na naging puno’t dulo ng lahat.