NGAYONG Linggo na, July 7, magaganap ang pinakaaabangang 7th The EDDYS o ang Entertainment Editors’ Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Magkakaalaman na kung sinu-sino ang mga karapat-dapat na tanghaling pinakamagagaling sa mga nominadong pelikula at mga artistang nagmarka at lumikha ng ingay nitong nakalipas na taon.
Baka Bet Mo: Janine, Gabbi, Jake sanib-pwersa bilang host ng 7th EDDYS sa July 7
Itatanghal ang Gabi ng Parangal para sa ika-7 edisyon ng The EDDYS sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts sa Pasay City, na muling ididirek ng aktor at award-winning filmmaker na si Eric Quizon.
Mapapanood naman ang kabuuan ng awards night sa delayed telecast nito sa ALLTV sa July 14, 10 p.m..
Magsisilbing host ang itinanghal na Best Actress sa 6th EDDYS na si Janine Gutierrez (para sa pelikulang Bakit Di Mo Sabihin?) kasama ang Kapuso Millennial It Girl na sina Gabbi Garcia at movie at TV actor Jake Ejercito.
May espesyal namang pagtatanghal sa 7th EDDYS ang award-winning singer na si Jed Madela pati na ang Ultimate Singer-Songwriter at TV host na si Ogie Alcasid.
Isang pasabog na production number din ang hatid ng mga drag queens na Rampa Reynas at ng mga promising young artists na sina Elisha Ponti at Andrea Gutierrez.
Ang veteran radio-online personality namang si Mr. Fu ang magiging host sa Red Carpet ng awards night.
Maglalaban-laban ang limang de-kalibreng pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at online platform noong 2023.
Ang mga nominado sa kategoryang Best Film ay ang “About Us But Not About Us” (The IdeaFirst Company, Octoberian Films, Quantum Films); “Firefly” (GMA Pictures, GMA Public Affairs); “GomBurZa” (Jesuit Communications, MQuest Ventures, CMB Film Services); “Iti Mapukpukaw” (Project 8, GMA News and Public Affairs, Terminal Six Post) at Mallari” (Mentorque Productions, Clever Minds Inc.).
Nominado naman sa kategoryang Best Director sina Derick Cabrido (Mallari); Pepe Diokno (GomBurZa); Zig Dulay (Firefly); Jun Robles Lana (About Us But Not About Us); Carl Joseph Papa (Iti Mapukpukaw).
Baka Bet Mo: The EDDYS ng SPEEd kikilalanin ang Box-Office Heroes
Magpapatalbugan sa pagka-best actress sina Kathryn Bernardo (A Very Good Girl); Charlie Dizon (Third World Romance); Julia Montes (Five Breakups And A Romance); Marian Rivera (Rewind); Vilma Santos (When I Met You In Tokyo); at Maricel Soriano (In His Mother’s Eyes).
Nominado naman sa Best Actor category sina Elijah Canlas (Keys to the Heart); Dingdong Dantes (Rewind); Cedrick Juan (GomBurZa); Piolo Pascual (Mallari); Alden Richards (Five Breakups And A Romance); Romnick Sarmenta (About Us But Not About Us).
Para sa kategoryang Best Supporting Actress nominado sina Dolly de Leon (Keys to the Heart); Alessandra de Rossi (Firefly); Gloria Diaz (Mallari); Gladys Reyes (Apag); at Ruby Ruiz (Langitngit).
Sa Best Supporting Actor category maglalaban-laban sina Enchong Dee (GomBurZa); Keempee de Leon (Here Comes The Groom); Nanding Josef (Oras de Peligro); Roderick Paulate (In His Mother’s Eyes); at JC Santos (Mallari).
Tulad sa mga nakaraang taon, magsisilbing highlight ng event ang pagbibigay-pugay sa bagong batch ng EDDYS Icons na itinuturing nang mga haligi ng movie industry na kinabibilangan nina Nova Villa, Leo Martinez, Lito Lapid, Eva Darren at Gina Alajar.
Isang posthumous award din ang ibibigay sa yumaong comic strip creator, movie producer at direktor na si Carlo J. Caparas.
Bilang pagkilala sa mga naging bahagi ng muling pagbangon ng Philippine movie industry, ipagkakaloob ng SPEEd ang The EDDYS Box Office Heroes kina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Alden Richards, Julia Montes, Kathryn Bernardo at Piolo Pascual.
Ang Brightlight Productions ang line producer ng awards night sa July 7, 2024. Sa pakikipagtulungan ng Newport World Resorts at ALLTV, kasama pa rin ng SPEEd sa pagtatanghal ng The 7th EDDYS ang Globe Telecom bilang major sponsor.
Katuwang din ng grupo ngayong taon si DILG Secretary Benhur Abalos, Mayor Albee Benitez, Beautéderm ni Rhea-Anicoche Tan, Unilab, Frontrow, Kat Corpus Atelier, Sen. Chiz Escudero, Sen. Bong Revilla, Camille Villar, former Ilocos Sur Governor Chavit Singson, Emelette Gorospe, Rowena Gutierrez, Kamiseta at ang Echo Jam Entertainment Production.
Ang annual event na ito na mula sa samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas ay nagbibigay ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga pelikula at personalidad na itinuturing na “best of the best” sa Philippine Cinema.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading newspaper at online site sa Pilipinas, sa pangunguna ng presidente nitong si Salve Asis ng Pilipino Star Ngayon at Pang Masa.