Eric, SPEEd muling magsasanib-pwersa para sa The EDDYS 2024
SA ikalawang pagkakataon, ang premyadong aktor at direktor na si Eric Quizon ang magdidirek ng 7th The EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Si Eric din ang nagsilbing direktor sa ikaanim na edisyon ng The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice na ginanap noong nakaraang taon sa Aliw Theater sa Pasay City.
Sa darating na Hulyo, muli ngang magkakaroon ng kolaborasyon ang SPEEd at ang award-winning actor at filmmaker para sa 7th edisyon ng The EDDYS.
Bukod sa pagiging aktor at direktor, isa ring producer at writer si Eric o Enrico Smith Quizon sa tunay na buhay. Ayon sa anak ng yumaong Comedy King, mas magiging kaabang-abang at makabuluhan ang taunang pamimigay ng award ng The EDDYS.
Ang annual event na ito, na mula sa samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas, ay nagbibigay ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga pelikula at personalidad na itinuturing na “best of the best” sa Philippine Cinema.
Baka Bet Mo: Eric Quizon muntik makatuluyan si Aiko Melendez, tanggap nang hindi magpapamilya
Mamimigay ng 14 acting at technical awards ang SPEEd para sa 7th The EDDYS na pipiliin mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2023.
Tulad sa mga nakaraang taon, magsisilbing highlight ng event ang pagbibigay-pugay sa bagong batch ng EDDYS Icons na itinuturing nang mga haligi ng movie industry.
Sila ang mga artista, direktor at iba pang personalidad na hindi matatawaran ang kontribusyon at pagmamahal sa industriya ng pelikulang Pilipino sa loob ng mahabang panahon.
Ang ilan pa sa mga special award na ipamamahagi ay ang Isah V. Red Award (ang mga walang sawang tumutulong at nagbibigay inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan), at ang Joe Quirino Award at Manny Pichel Award (para sa mga natatanging miyembro ng entertainment media).
Pararangalan din sa awards night ang Rising Producer of the Year.
Bilang pagkilala naman sa mga naging bahagi ng muling pagbangon ng Philippine movie industry, isang special award din ang ibibigay sa gabi ng parangal – ang The EDDYS Box Office Heroes.
Dito, bibigyang-pugay ang mga pangunahing artista na bumida sa highest-grossing films sa bansa na naging daan upang muling sumugod sa sinehan ang mga manonood at manumbalik ang sigla ng pelikulang Pilipino.
“With our new award, ‘The EDDYS Box Office Heroes,’ we want to honor the stars of films that brought audiences back to theaters,” ayon sa bagong Pangulo ng SPEEd na si Salve Asis, entertainment editor ng Pilipino Star Ngayon at Pang Masa.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading broadsheet, top tabloid newspaper at online portals sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.