Jennylyn hindi raw kukunin ng ABS-CBN bilang respeto sa GMA, chika ni Ogie

Jennylyn hindi raw kukunin ng ABS-CBN bilang respeto sa GMA, chika ni Ogie

PHOTO: Instagram/@mercadojenny

LUMANG isyu na pala ang tsikang aalis si Jennylyn Mercado sa GMA 7 at lilipat ng Kapamilya channel.

Lumabas na ang isyung ito noong Marso pa pala dahil nga nag-recording ang singer-actress sa Star Music para sa bago niyang album.

Pinabulaanan na ito noon ng management ni Jennylyn, ang Aguila Entertainment at muling nabuhay ang isyu nang hindi nakasipot si Jen sa shoot ng GMA 7 Station ID.

Kaya naman ala tigas ng katatanggi ng manager ng aktres na si Tita Becky Aguila na mananatiling Kapuso artist ang alaga niya hangga’t gusto siya at hindi nila iiwan ang network bilang isa si Jen sa homegrown talent.

Anyway, mas lalong naliwanagan ang isyung lipatan o may nagsabi pang naudlot ang paglipat dahil hindi nagkasundo, ayon sa netizens na mas nakakaalam pa sa desisyon.

Baka Bet Mo: Jennylyn hindi lalayasan ang GMA, manager nagpaliwanag sa station ID

Isa ito sa topic ng “Showbiz Update” vlog nina Ogie Diaz at Mama Loi kasama si Tita Jegs na ibinandera kagabi , July 5, sa YouTube channel.

“’Di ba isa rin sa natsismis na lilipat ay itong si Jennylyn Mercado na sinimulan sa Star Music kung saan nagre-recording si Jennylyn.

“May nakausap ako from ABS-CBN na Star Music lang talaga at hindi nila naisip na kunin si Jennylyn.

“Ito nga ang sabi ng source ko, ‘Ogie hindi naman maganda na may friendship ang ABS-CBN at GMA. Porke nawala sa GMA ay sasaluhin namin?  Siyempre para hindi naman isanla ang friendship namin with GMA 7.

“Pwedeng mag-collab ng teleseryeng bubuuin ng ABS-CBN at ilalabas sa GMA.  (Halimbawa) kuha tayong artista rito (GMA), may artista rin kami, tulungan parang ‘Unbreak My Heart’ na parang si Joshua (Garcia) ng ABS-CBN at si Gabbi Garcia ng GMA (isama rin si Jodi Sta. Maria from ABS).

“Kaya ‘yan ang hintayin natin kasi may lumalabas na parang inaalok ng Dreamscape Entertainment si Jennylyn. Wala raw ganu’n, walang alukang nangyari.

“Hindi rin daw gagawin iyon ng Dreamscape bilang respeto sa GMA.

“Kung sakaling may banggaan (alitan) ang GMA at si Jennylyn ay hindi sasawsaw ang ABS,” detayladong kwento ni Ogie.

At dahil sa nalalapit na launching ng album ni Jennylyn under Star Music ay tungkol dito siguro ang pahaging ng general manager ng Aguila Entertainment na si Jan Enriquez.

Tweet ni Jan sa kanyang X account nitong June 28, “Kalma lang bessies. We have Jennylyn’s best interest in mind and we have big plans for her. Unfortunately we can’t disclose every step we make but we hope to make some announcements soon.”

Read more...