MAGKAKAIBA ang naging reaksyon ng mga netizens sa pagpataw ng persona non grata kina Rendon Labador at Rosmar Tan sa buong probinsya ng Palawan.
May mga sumang-ayon na dapat lang daw parusahan ang dalawang social media personality dahil sa ginawa nilang panunugod sa isang empleyado ng munisipyo ng Coron at pambabatos sa opisina ng alkalde roon.
Baka Bet Mo: Parusang ‘persona non grata’ kina Ai Ai, Direk Darryl pwedeng bawiin, sey ni Lagman: We just want an apology
Pero meron ding nagsabi na ipinagtanggol lang daw nina Rendon at Rosmar ang kanilang mga sarili sa mga malilisyosong akusasyon ng naturang municipal employee sa kabila ng ginawa nilang charity event sa Coron.
Nag-sorry na ang grupo nina Rendon at Rosmar na Team Malakas sa mga nangyari pero tinuluyan pa rin sila ng mga opisyal ng Palawan at pinarusahan nga ng pagdedeklara sa kanila bilang persona non grata.
Sa mga hindi pa masyadong aware, kapag pinatawan ng persona non grata ang isang tao, bawal na siyang pumunta sa isang lugar dahil sa kawalan nito ng respeto, sa tao man o sa mismong lugar, na karaniwang idinedeklara ng gobyerno o ng lokal na pamahalaan.
“Kapag ang isang tao nao-offend niya ang isang tao o lugar, minsan nagkaka-resolution ang isang lugar sa mga nakaka-offend ng culture or norms nila na magdeklara ng persona non grata,” ang pahayag ni Atty. Claire Castro sa isang panayam.
Pero aniya, maaaring mabawi ang pagdeklara ng persona non grata kung hihingi ng paumanhin o makikipag-areglo ang mapapatawan nito.
Narito ang ilan pang celebrities na idineklarang persona non grata sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas bukod kina Rendon at Rosmar.
PURA LUKA VEGA
Kung may isang personalidad na talaga namang minalas noong 2023, yan ay walang iba kundi ang drag artist na si Pura Luka Vega.
Hindi lang kasi siya sa isang lugar pinatawan ng persona non grata kundi sa maraming lugar kabilang na ang Bohol, Laguna, Nueva Ecija, Cagayan De Oro, Manila, General Santos City, Floridablanca, Pampanga, at Toboso, Negros Occidental.
Ito’y dahil sa controversial performance niya ng rock remix version ng “Ama Namin” habang nakasuot ng Black Nazarene-inspired costume.
AI AI DELAS ALAS
Taong 2022 naman ng ideklarang persona non grata si Ai Ai de las Alas pati ang direktor na si Darryl Yap sa Quezon City dahil sa umano’y pambabastos sa official seal ng siyudad na ginamit sa kanilang social media video.
Sa nasabing video, in-impersonate niya si Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang si “Mayor Ligaya Delmonte” na ikinagalit ng mga constituents ng alkalde.
RAMON BAUTISTA
Nakatikim din ng parusang persona non grata ang komedyanteng si Ramon Bautista na ipinataw ng Davao City council. Nangyari ito noong 2014 habang ginaganap ang Kadayawan Festival.
Ito’y dahil sa binitiwang joke ng komedyante kung saan tinawag niyang “hipon” (sexy ang katawan pero hindi kagandahan ang mukha) ang mga babaeng taga-Davao.
Bukod dito, nag-post din siya ng litrato niya sa Instagram kasama ang tatlong babae mula sa Davao na may caption na, “Ito ang kabataan ngayon hihi #Kadayawan #PasisikatinKitaHijaFoundation.”
LEAH NAVARRO
Taong 2019 naman ng ma-persona non grata ang veteran OPM singer sa General Santos City. Pinagsisihan niya ang pagkokomento ng “retribution” sa Twitter post ni former Supreme Court spokesperson Theodore Te tungkol sa mga naganap na lindol sa Mindanao.
“I apologized, deleted my tweet and regret the hurt I caused. It is their choice not to forgive. There’s nothing I can do about that,” ang pahayag ni Leah.
CANDY PANGILINAN
Hindi nagustuhan ng mga taga-Baguio City ang “Igorot” joke ng komedyanang si Candy Pangilinan kaya naman naboldyak din siya ng parusang persona non grata sa Baguio City.
Nag-perform si Candy sa isang Mother’s Day show doon noong 2009 kung saan binitiwan niyang punchline na “Akala nyo Igorot ako, hindi ako Igorot, tao po ako!” Walang tumawa sa kanyang joke at halos lahat ay natahimik.
Inulit pa niya ang joke sa pag-aakalang hindi ito naintindihan ng audience. Ilang beses nag-sorry si Candy sa mga taga-Baguio at sinabing mali lamang ang pagkaka-deliver niya ng joke. “Igorot statue” raw dapat ang sasabihin niya pero nawala nga bigla sa hirit niya ang salitang “statue.”
XIAN LIM
Hiniling naman ng mga taga-Albay noong 2015 na patawan ng persona non grata ang Kapuso actor-director na si Xian Lim kung saan ipinahiya raw niya ang provincial government nang okrayin umano ang isang staff ni Gov. Joey Salceda nang mag-guest siya roon para sa Chinese New Year celebration.
Inalok daw ng naturang staff ng gobernador si Xian ng exclusive souvenir ng Albay pero tinanggihan daw ito ng aktor sabay dialogue ng, “I am not here to promote Albay.”
Nilinaw naman ni Xian na wala siyang sinasabing ganu’n, “Hindi po ako pumunta sa Albay para mambastos. Nalulungkot ako kasi wala naman akong magagawa para ikagalit ng governor, alam kong wala akong ginawa para ikagalit ng Albay.”
Nag-apologize rin siya kay Salceda at sa mga taga-Albay, “Kung ano man yung narinig niyo sa akin, hindi po iyon totoo. Humihingi po ako ng patawad kung ano man yung ikinagagalit ninyo. Nagsasabi ako ng totoo.”
Tinanggap naman ni Salceda ang sorry ni Xian, “Its the season of Lent—the season of unconditional forgiveness. And Albayanos are possibly the kindest people there is on earth. And in the name of the kindest people on earth, I would accept his apologies even if he remains within his twisted recollections. Its his loss, not ours.”