AMINADO si Ai Ai delas Alas na noong hindi siya ni-renew ng ABS-CBN ay sobra siyang na-depress dahil wala na siyang trabaho.
Ito ang pagtatapat niya sa eksklusibong panayam niya kay Julius Babao sa YouTube channel nitong “Unplugged.”
“Sa sobrang sakit (ng loob) na hindi na na-renew balak ko ng ‘wag mag-artista kaya pumunta ako ng Amerika tapos bumili ako ng bahay do’n kasi ang sakit na all these years, ito ‘yung pag-ibig at pagmamahal ko sa trabaho ko do’n sa istasyon tapos parang wala lang, wala ka ng silbi kaya babu parang ganu’n, ayaw ko ng mag-artista pero binigyan ako ng chance ng GMA kinuha ako ng Sunday Pinasaya,” nangingilid ang luhang kuwento ni Ai Ai.
Inamin ding nabenta niya ang magandang bahay niya sa Ayala Heights, Quezon City dahil nawalan nga siya ng trabaho.
“God is so good talaga nu’ng nawalan na ako ng trabaho sabi ko kay Lord, ‘Lord paano na kami? Hindi ako na-renew anong mangyayari sa amin?’ Buhay pa noon ang nanay ko, ako ang breadwinner anong mangyayari sa amin?
“Tapos after two weeks ‘yung kapitbahay namin pumunta sa bahay namin at tinanong niya, ‘binebenta mo raw itong bahay mo?’
Baka Bet Mo: Ai Ai ‘nasaktan’ sa Star Cinema; may ibinunyag kung bakit umalis sa ABS-CBN
“Pero actually hindi ko pa naman binebenta. Sabi ko, ‘ah opo!’ (sabay tawa) um-oo na lang ako kasi wala na akong work di ba?
“Naka-loan pero konti na lang (balanse sa bangko) tapos sabi niya (kapitbahay), o sige tingnan ko ha’ tiningnan niya tapos sabi niya, ‘balik ako bukas ha, sama ko ‘yung wife ko.
“Sabi ko, o sige po.’ Wala lang nakatulala lang ako tapos naghihintay tapos kinabukasan bumalik siya sabi niya, ‘o magda-down na ako, ha.’
“At cash. (tinanong ni Julius kung tumawad), oo pero konting-konti kung baga minimal lang ‘yung tawad niya, so, doon ako yumaman ulit ha, ha, ha, ha,” tawa ng tawa ang komedyana habang kinukwento dahil ilang milyones ang halaga ng bahay na kung hindi kami nagkakamali ay tumubo pa siya rito dahil nasa mamahaling subdibisyon ito nakatayo at brand new ito nang tirhan ng komedyana.
“Pero mixed emotions ‘yan kasi ano ‘yan fruit of your hard labor tapos papakawalan mo lang?” tanong ni Julius.
“Siyempre naman! Sino ba naman ang may gusto, ganu’n talaga ang buhay wala na akong trabaho, eh anong gagawin ko di ba?” sagot nito.
Nagtayo naman daw ng negosyo si Ai Ai sa perang napagbentahan niya.
“Nag-business ako tapos nagpagawa ako ng bahay ulit aside from dito (tinitirhan ngayon) tapos in 6 years nawala na rin (perang napagbentahan) kasi kaka-business ko na-flop, ha, ha, ha, ha.
“Diyosko day, ang dami kong napagdaanan, puro restaurant (lugi) wala kasi akong kadala-dala puro restaurant,” kaswal nitong tsika kay Julius.
At natutunan daw niya ay kailangang tutok sa sariling negosyo, “Kailangan parating nandoon ka at aralin mo muna ‘yung feasibility ng negosyo bago ka pumasok. Ako kasi hindi, pasok ako ng pasok kasi gusto kong maging Jollibee, e, wala, jolly na lang,” natatawa pang kwento ni Ai Ai.
Baka Bet Mo: Ai Ai rumesbak sa mga bashers matapos mag-guest sa ‘It’s Showtime’
Hindi raw suwerte ang pangalan niyang ginamit tulad na Ai Sarap, AiTsarap, Ai Fusion at ang pumatok lang ay ang Martina’s na nagbebenta siya ng ube pandesal sa online nu’ng pandemic.
At nang magpunta sila ni Gerald Sibayan sa Virginia, USA ay nagbenta roon ng pandesal si Ai Ai dahil wala siyang work kaya nagpaka-housewife muna siya dahil ang asawa niya ang may trabaho.
“Kaso mahirap din kasi mag-isa lang ako, mahirap ding magmasa ng (harina) maglalagay ka pa ng mga ube at cheese. Umiiyak ako sa madaling araw kasi gabi na ako matutulog tapos maaga akong gigising kasi marami rin akong orders in fairness naman,” paglalarawan ni Ai Ai sa naging routine niya sa unang mga taon nila.
At dahil maraming Pinoy sa lugar nila ay maraming nakakakilalang Pinoy sa kanya at nagpapa-picture rin kaya lagi raw siyang nakaayos lagi kapag lalabas siya ng bahay.
Hanggang sa lumipat na sila ng San Francisco kung saan naging Activity Director siya sa isang home care na pag-aari ng mga Pilipino pero dahil hindi naman siya maalam sa computer ay hindi niya kinaya dahil dito niya dapat ilalagay ang mga dapat gawin para sa elderly.
Isa pang nag-trigger na iwan ng aktres ang trabaho ay dahil lahat ng pasyente niya ay may dementia at minumura siya na nasasaktan siya pero hindi siya nagagalit dahil hindi naman alam ng mga matatanda ang ginagawa nila.
Bukod dito ay nagtayo ng negosyo ang kaibigan niya na may kinalaman sa beauty products at ginawa siyang Chief Operating Officer o COO.
Isa rin sa dahilan kung bakit siya bumabalik-balik ng bansa ay dahil may gagawin siya sa GMA, ang “The Clash” na magte-taping na sila ng Hulyo at ie-ere ito ng Agosto.