1-2 bagyo inaasahan sa bansa ngayong Hunyo, ayon sa PAGASA

1-2 bagyo inaasahan sa bansa ngayong Hunyo, ayon sa PAGASA

ISA hanggang dalawang bagyo ang inaasahan sa bansa ngayong Hunyo!

Ayon sa recent press briefing ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ito ay base sa nakikita nilang non-landfall and landfall tracks.

“Dalawang tracks po ‘yung nakikita nating characteristics ng bagyo para sa buwang ito,” sey ni Weather Specialist Daniel James Villamil.

Paliwanag niya, “Una itong non-[land]falling tracks…ito ‘yung mga bagyo usually na pumapasok ng ating PAR (Philippine Area of Responsibility). Bahagya [itong] lumalapit ng ating kalupaan before curving sa ating bansa, patungo sa area ng Taiwan o sa Japan.”

“Pangalawa, ito ‘yung mga landfalling tracks. Ito ‘yung mga bagyong direktang tumatama sa eastern sections ng Southern Luzon o Eastern Visayas at magta-traverse ito o babaybayin ang malaking bahagi ng Southern Luzon, Visayas area bago mag-emerge o lumabas ng West Philippine Sea, patungo sa area ng Vietnam or Hong Kong,” aniya pa.

Baka Bet Mo: PAGASA opisyal nang idineklara ang ‘rainy season’

Sa kasalukuyan, binabantayan ng weather bureau ang Low Pressure Area na nasa labas ng Luzon.

Ito ay nag-downgrade kamakailan lang mula sa Tropical Storm na may international name na “Maliksi” at wala pang direktang epekto sa ating bansa.

Para sa weather forecast ngayong araw, June 2, asahan ang mainit at maalinsangang panahon sa Luzon, habang magiging maulap naman sa ibang lugar dahil sa epekto ng Easterlies.

Ayon sa PAGASA, ang nasabing weather disturbance ay magdudulot ng panaka-nakang pag-ulan na may pagkulog at pagkidlat sa kanlurang bahagi ng Mindanao.

“’Di gaano nakakaapekto ‘yung southwest monsoon o habagat sa ating bansa kaya magiging mainit ‘yung panahon na mararanasan natin dito sa Metro Manila maging sa nalalabing bahagi pa ng Luzon na may posibilidad ng isolated thunderstorms o yung biglaan o panandaliang pagulan,” sambit ni Weather Specialist Grace Castañeda sa 4 a.m. press briefing.

Dagdag niya, “Samantala sa bahagi ng Palawan, Visayas at Mindanao, makararanas tayo ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan meron posibilidad ng isolated na pagulan dahil sa easterlies.”

Read more...