DUMULOG si Irah sa public service program na “CIA with BA” para ireklamo si Junell sa hindi nito pagiging patas sa pagbibigay ng suporta sa kanilang dalawang anak.
Sa segment na “Case 2 Face” nitong Linggo, May 19, sinabi ng nagrereklamo, “Bale ngayong taon po, dalawang beses ko na po siyang pina-VAWC (Violence Against Women and Children).”
“Nagkaroon po kami ng kasunduan doon na every month po, P6,000 po ‘yung ipapadala niya para sa mga bata,” dagdag niya. “Siya po ‘yung nagbigay ng (amount).”
Ayon kay Irah, nagsimula ito sa P4,000 noong 2019 pero noong nagpandemya, humiling si Junell na itigil muna ang pagbibigay ng pera kahit na may trabaho siya bilang food delivery rider.
Para sa kaalaman ng lahat, ipinaliwanag ni Sen. Alan Peter Cayetano ang sinasabi ng batas tungkol sa ganitong sitwasyon.
“May sinabi ang Supreme Court na ‘pag ika’y walang pera, ikaw ay mahirap, wala kang ibibigay, hindi naman para ikulong ‘yung hindi nagbibigay ng suporta… kasi hindi naman crime ang poverty, especially sa bansa na marami talagang mahirap,” paliwanag niya.
“Ang criminal offense ay dalawa: willful infliction of psychological violence upon the woman and her child by denying them the financial support that is legally due them,” patuloy niya.
“So, halimbawa, ilang buwan kang walang pera pero meron ka ngayon, pero hindi mo binigay, at nagdulot ito ng psychological violence sa babae at sa kanyang anak, krimen pa rin ‘yan.
“‘Yung pangalawa ay: For the purpose of controlling or restricting the woman or her child’s movement or conduct,” sabi niya.
“Ibig sabihin parang bina-blackmail mo. So especially kung ‘yung nanay at anak walang pera, tapos sinabi mo, ‘Sige ‘pag hindi ka pumunta dito or kung hindi mo gawin ‘to, iipitin ko ‘yung suporta,’ kasi dapat walang kapalit ‘yung suporta na ‘yon dahil obligasyon ‘yon bilang ama,” dagdag niya.
Sa harap nina Sen. Alan, Sen. Pia Cayetano, Boy Abunda, at Irah, nangako si Junell na magiging consistent sa kanyang pinansyal na suporta, na nagkasunduan sa P4,000 bawat buwan. “Wala naman akong magagawa kung ‘yon lang talaga ang kaya niya,” sabi ni Irah na pinuri ni Sen. Pia.
“Magandang attitude ‘yon. Kasi sabi naman ng batas, ang obligasyon magbigay ng suporta ay naaayon sa kakayanan ng nagbibigay, at sa pangangailangan,” sabi niya.
“Kung hanggang saan ang kaya mong ibigay pero siyempre kung kaya mong dagdagan ‘yung 4,000, okay sana, ‘di ba? Pero ayusin mo ‘yung commitment mo. Kung kailangan ka pang habulin, pwedeng ituring ‘yon na nananadya ka na,” diin ni Pia.
Dagdag ni Sen. Alan, handang tumulong ang show kung sakaling magdesisyon si Junell na kumuha ng vocational course sa TESDA.
Kasama ng P2,000 para sa bagong delivery bag mula sa show, sinabi naman ni Tito Boy na magbibigay siya ng P9,000 para sa panghulog ng kanyang motorsiklo.
Pinangungunahan nina Sen. Alan, Sen. Pia, at Tito Boy, ang “CIA with BA” ay ipinapalabas tuwing Linggo, 11 p.m. sa GMA.