PILOT episode pa lang ng “Running Man Philippines Season 2” ng GMA 7 ay enjoy na enjoy na kami sa mga bagong paandar ng Pinoy runners.
Nabigyan kami ng chance na mapanood ang first 2-day episode ng pagbabalik sa ere ng programa sa naganap na watch party at presscon nito last Friday, May 3.
Mapapanood na ito simula sa May 11 at 12, 7:15 p.m. sa Kapuso Network at siyempre, kasama pa rin ang mga original runners na sina Mikael Daez, Glaiza De Castro, Lexi Gonzales, Buboy Villar, Kokoy de Santos, at Angel Guardian.
Baka Bet Mo: Bianca dumepensa sa bashers ng PBB: It’s not an artista search
Makakasama naman nila this time ang bagong member ng grupo na si Miguel Tanfelix, ang pumalit sa dating runner na si Ruru Madrid.
Base sa napanood naming dalawang episode na kinunan uli sa South Korea, bukod sa mga mission, siguradong naging challenge rin sa mga runners ang napakalamig na klima roon.
Sabi nga ni Cheol Ho An, executive producer ng Korean Team para sa “Running Man Philippines”, “It was so cold that I wondered how our Filipino Runners could endure it in Korea. But to distinguish season 1 from season 2, winter would be better.”
Ayon kay Buboy, grabe ang naging experience nila sa paggawa ng mga mission sa gitna ng nagyeyelong weather sa Korea.
“Hindi po namin alam kung ano’ng degrees po ang kahihinatnan ko du’n.
“Kasi sa aircon pa nga lang po, minsan kapag mataas na po ‘yung temperature, talagang nagiginaw po talaga agad ako.
“Pakiramdam ko parang nasa loob ka ng freezer split-type po ito. Split-type freezer po ito na nandoon ako ng 44 days. So, para ka pong nag-stay dun ng 44 days na naglalaro po kayo,” aniya pa.
Gagawin naman daw ng season 1 Ultimate Runner na si Angel Guardian ang lahat para hindi matanggal sa kanya ang titulo.
“Actually, this season po, mas focus ako sa na mag-enjoy ako. Kasi, parang last season ang nasa isip ko, alam mo yun, I play to win.
“Pero this season, parang I play more to enjoy. Siguro okay na ‘yung last season na talagang buhos lahat! Buong lakas! Lahat-lahat, siguro this season competitive pa rin naman ako, pero hindi na or iba na mindset ko.
“Mas focus nga ako na ‘yun nga, mag-enjoy. Maka-bonding ‘yung mga Runners,” sey ng aktres.
Para naman kay Kokoy, “Pagdating sa mga challenges, ito lang ‘yung masasabi ko, kasi ako, personally, feeling ko baka may maulit na mga challenge or kaya race. Walang umulit! As in wala talaga, as in lahat bago as in fresh, brand new.”
Sey naman ni Mikael, “Masu-surprise sila lalo na nakita na natin ‘tong pilot episode ‘yung friendship natin.
“Kasi, doon pa lang sa scenes sa bus lumitaw na agad. So, I’m very excited. Parang patikim pa lang ‘yun and I think malaking bagay dun sa pagdevelop ng story and missions.
“At ‘yung pag-enjoy ng Kapuso natin dun sa Running Man Philippines season two,” sabi pa ng Kapuso star.