MATAPANG na binalikan ng TV host-comedian na si Vice Ganda ang binitiwan niyang rape joke sa award-winning broadcast journalist na si Jessica Soho.
Ito ang ginawang halimbawa ng Phenomenal Box-Office Star sa anak-anakan niyang si Awra Briguela nang mapag-usapan ang mga nagawa nilang pagkakamali sa buhay.
Sabi ng komedyante, kahit daw gumawa siya ng kabutihan at positibong bagay ay forever na siyang aayawan ng mga taong galit at ayaw sa kanya dahil sa rape joke niya kay Jessica mahigit 10 taon na ngayon ang nakararaan.
Baka Bet Mo: GMA Network umalma sa ‘biased’ remark ng kampo ni Marcos laban kay Jessica Soho
Sa part 2 ng vlog ni Vice sa YouTube kung saan nakasama nga niya si Awra at dito nga niya nabanggit muli ang nangyari sa concert niyang “I-Vice Ganda Mo ‘Ko sa Araneta” noong May 17, 2013.
Naging topic kasi nila ni Awra ang kinasangkutan nitong rambulan sa isang bar sa Poblacion, Makati City, noong June, 2023 na humantong pa sa kanyang pagkakakulong nang ilang araw.
Ayon sa Kapamilya youngstar, nang dahil sa insidenteng iyon at sa pagharap sa patung-patong na kasong isinampa sa kanya, nanega siya nang bonggang-bongga at nakaapekto talaga ito sa kanyang personal na buhay at career.
Dito na nga sinabi ni Vice na naranasan din niya ang nangyari kay Awra at binalikan ang rape joke niya kay Jessica kung saan talagang halos isumpa na siya ng mga nagtanggol sa TV host at dating news anchor.
Bahagi ng biro ni Vice sa kanyang concert na naganap 11 years ago, “Ang hirap nga lang kung si Jessica Soho magbo-bold. Kailangan gang rape lagi.
“Sasabihin ng rapist, ‘Ipasa ang lechon.’ Sasabihin naman ni Jessica, ‘E, nasaan yung apple?’” ang hirit pa niya kasunod ang malakas na tawanan ng audience.
Ngunit pagkatapos nito ay kaliwa’t kanang pambabatikos at maaanghang na salita ang ibinato kay Vice, lalo na sa mga kasamahang mamamahayag ni Jessica sa GMA 7.
Kinondena rin mismo ni Jessica ang mga binitiwang salita ni Vice at ipinamukha sa kanya na, “Rape is not a joke.”
Humingi naman ng sorry si Vice kay Jesaica sa pamamagitan ng official statement at inamin ang kanyang pagkakamali. Tinanggap ni Jessica ang sorry ng komedyante pero tumanggi itong makipag-usap kay Vice.
Kaya naman ang payo niya kay Awra, huwag nitong hayaang mahusgahan ng publiko ang buo niyang pagkatao nang dahil sa pagkakamaling nagawa niya.
“Hindi si Awra ay equivalent ng isang pagkakamali lang. Si Awra ay suma ng lahat-lahat ng mga ginawa niya, kasama doon ang tama, mabuti na ginawa niya.
“Ide-define ka ng isang eskandalo, ide-define ka ng isang pagkakamali ng ibang tao. Pero hindi mo puwedeng gawin sa sarili mo iyon kasi ikaw ang nakakakilala sa sarili mo,” paalala ni Vice sa kanyang talent.
Patuloy pa niya, “Parang ako lang yan, e, parang paulit-ulit, tapos para sa ibang tao na hindi ako gusto.
Baka Bet Mo: Awra Briguela may patutsada sa Twitter, sino kaya ang tinutukoy na ‘paepal’?
“Meron lang isang depinisyon sa akin. Ang depinisyon lang nila tungkol sa akin ay isang pangit na depinisyon, and that is enough for them to not like me.
“Sa mga taong ayaw sa akin, isa lang ang definition ko – I made a rape joke about Jessica Soho.
“Yun lang ang depinisyon ko sa mga taong ayaw sa akin, at habang buhay na nilang bibitbitin iyon para maging rason para magalit sila sa akin habambuhay.
“Other than that, wala na silang ibang nakikita sa akin. Hindi na nila makikita ang anumang bagay na gagawin kong tama.
“Hindi na nila makikita ang anumang magandang salita na lalabas sa bibig ko. Hindi na nila makikita ang magandang epekto ko sa ilan. Hindi na nila makikita yung kung anumang kabutihang meron ako sa puso ko.
“Hindi nila makikita yon dahil ayaw nila ako. They do not like me, they hate me. They only need one reason to define me. They only need one bad definition of me.
“And that bad definition of me is, ‘Vice Ganda, siya yung nag-rape joke kay Jessica Soho.’
“At paulit-ulit nilang babalikan iyon para hindi sila mawala sa paniniwala na ayaw nila ako,” litanya ni Vice Ganda.
Ang huling payo pa ng TV host kay Awra, patawarin at mas mahalin nito ang sarili pati na ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.